COVID-19 isolation facility para sa PDLs binuksan sa Batangas

April Magpantay, ABS-CBN News

Posted at May 25 2020 12:59 PM

Noong nakalipas na mga buwan, Taal evacuees ang nakatira sa pasilidad na dapat sana’y drug rehabilitation center sa Ibaan, Batangas.

Pero simula noong Huwebes, gagamitin na ang lugar bilang isolation facility para sa coronavirus disease (COVID-19) patients.

Mayroong 80-bed capacity ang isang gusali para sa COVID-19 patients habang may isa pang hiwalay na gusaling inilaan para sa mga preso o person deprived of liberty na mahahawahan ng sakit.

May tig-20 kuwarto para sa mga babae at lalaking preso. Gaya sa kulungan, nilagyan din ng rehas ang gusali.

Nasa P50 milyon ang ginastos ng pamahalaan para sa pasilidad.

Tiniyak naman ni Brig. Gen. Vicente Danao Jr., hepe ng Calabarzon police, na mahigpit na babantayan ang pasilidad ng mga PDL.

Katuwang ng mga tauhan ng DOH ang 15 health service personnel ng kapulisan, ayon kay Danao.

“Sila po ang tutulong sa pag-maintain ng facility, hindi lang sa facility kundi sa patients mismo,” ani Danao.

Ayon kay Batangas Governor Hermilando Mandanas, prayoridad ng pasilidad ng mga PDL sa Calabarzon region.

Tiniyak din ni Janairo na walang dapat ikabahala ang mga taga-Ibaan dahil malayo sa residential areas ang pasildiad.

“Hindi kakalat ang coronavirus dito sa Ibaan... medyo malayo talaga sa kabihasnan, doon sa lugar na maraming residential,” ani Janairo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.