Barangay sa Parañaque balak isailalim sa ‘calibrated lockdown’

ABS-CBN News

Posted at May 25 2020 06:10 PM | Updated as of May 25 2020 11:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Balak isailalim sa reasonable and calibrated lockdown ang pinakamalaking barangay sa unang distrito ng Parañaque City upang bigyang daan ang pag-test ng mga residente para sa coronavirus disease (COVID-19).

Pinagpaplanuhang i-lockdown ang ilang lugar sa Barangay San Dionisio matapos umakyat sa 53 ang positibong kaso ng COVID-19 sa komunidad. Nasa 4,000 hanggang 7,000 pamilya ang maaaring maapektuhan kapag ipinatupad ito.

Gaya ng lockdown sa ilang kalsada sa Barangay Baclaran, tutukuyin din ang mga lugar na ila-lockdown sa Barangay San Dionisio.

Sa ilalim ng lockdown, suspendido ang quarantine pass, at magte-test ng mga confirmed, probable, at suspect cases kasama ang kanilang mga nakasalamuha at kapamilya.

Sa ngayon, tuloy-tuloy ang pagpupulong ng local government unit, pulis, health office at mga opisyal ng barangay kaugnay sa pagla-lockdown sa Barangay San Dionisio.

Kapag naplantsa na ang mga konktretong mga hakbang, tulad ng mga partikular na lugar na ila-lockdown at ayuda sa mga apektadong residente, saka kukuha ang city government ng “go signal” mula sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.

Magsasagawa rin muna ng information driver bago tuluyang ipatupad ang lockdown.

Itinuturing din ng lokal na pamahalaan na matagumpay ang pagla-lockdown sa ilang lugar sa Barangay Baclaran noong nakaraang linggo.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.