Barangay 28 sa Caloocan sasailalim sa lockdown simula Martes

ABS-CBN News

Posted at May 25 2020 02:22 PM | Updated as of May 25 2020 06:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) – Isasailalim sa lockdown ang Barangay 28 sa Dagat-Dagatan, Caloocan simula Martes, Mayo 26 dahil sa dumaraming kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa lugar, sabi ngayong Lunes ni Mayor Oscar Malapitan.

Tatagal ang lockdown sa naturang barangay, na may populasyong nasa higit 60,000, hanggang Mayo 31.

Umabot na sa 28 ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa komunidad at inaasahang tataas pa ito kapag natapos nang ma-proseso ang mga PCR test, ayon kay Malapitan.

Sagot ng lokal na pamahalaan ang pagkain at gamot ng mga apektadong residente sa panahon ng lockdown, ayon kay Malapitan.

Ang Barangay 28 ang ikatlong barangay sa lungsod na ni-lockdown mula nang magkaroon ng enhanced community quarantine. Una na rito ang Barangay 156 at Barangay 12.

Nauna nang inanunsiyo ng lokal na pamahalaan ng Caloocan na pinalawig ang lockdown sa Barangay 12, na nag-umpisa noong Mayo 17, hanggang Mayo 30.

Ayon kay Malapitan, may 3 barangay silang binabantayan na maaaring isailalim din sa lockdown dahil sa pagdami ng COVID-19 cases.

Naging epektibo ang lockdown para makontrol ang pagkalat ng COVID-19 cases sa Barangay 156 at 12, ani Malapitan. -- Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.