72 OFWs nakabalik na sa Zamboanga City

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at May 25 2020 10:18 PM

ZAMBOANGA CITY - Dumating na sa paliparan ng Zamboanga City nitong Lunes ng hapon ang 72 na overseas Filipino workers (OFWs) sakay ng isang eroplano mula Metro Manila, na bahagi ng mga sweeper flight ng pamahalaan.

Ayon kay Antonio Alfonso, area manager ng Civil Aviation Authority of the Philippines, pagbaba sa eroplano ay dumeretso ang mga OFW sa processing area ng paliparan.

May kaniya-kaniyang processing area ang Zamboanga City, Zamboanga Sibugay, Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur at maging ang Basilan, Sulu at Tawi-tawi.

Kinunan ng profile ang bawat OFW para sa contact tracing at monitoring.

Hindi na sila isinailalim sa COVID-19 rapid test sa Zamboanga Airport, pero depende pa sa magiging desisyon ng mga local government unit, kung ire-require nila ang kanilang mga kababayan na sumailalim sa rapid test, bago pahihintulutang makauwi.

Ayon kay Alfonso, sumailalim na sa quarantine ang mga OFW sa Metro Manila at kumpleto sila ng mga documentary requirement bago pinayagang makauwi sa kanilang probinsya.

May nakahanda namang sasakyan ang ibat-ibang lokal na pamahalan sa Western Mindanao para sa mga OFW na babiyahe pa ng ilang oras mula sa Zamboanga City, bago makarating sa kanilang probinsya.

Nagbigay ng food packs ang Overseas Workers Welfare Administration sa mga dumating na OFW, na ilang buwang na-stranded sa Metro Manila dahil sa ipinatupad na enhanced community quarantine bunsod ng COVID-19 pandemic.

Bahagi ang 72 OFWs sa higit 24,000 na inaasahang makaka-uwi na sa kani-kanilang probinsya sa tulong ng pamahalaan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.