30 pamilya nasunugan sa Quezon City

ABS-CBN News

Posted at May 25 2020 12:50 PM | Updated as of May 25 2020 11:14 PM

Aabot sa 30 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na tumama sa Barangay Socorro, Quezon City nitong madaling araw ng Lunes, ayon sa mga awtoridad.

Nasa pitong bahay ang natupok sa sunog sa may 13th Avenue, Cubao, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Nag-umpisa ang sunog bandang ala-1 ng madaling araw at umabot hanggang ikatlong alarma bago naideklarang under control makaraan ang halos isang oras, sabi ng BFP.

Watch more in iWant or TFC.tv

Halos walang naisalbang gamit ang mga nasunugan, tulad ni Ramil Valdesanso.

“Sabihin na natin mahirap pero nandyan na, walang magagawa,” ani Valdesano.

“Mas maganda na sana manakawan na lang eh pero wala,” sabi naman ng nasunugang si Alo Macawadib.

Karamihan sa mga nasunugan ay nangungupahan lang, tulad ni Ronel Abanador.

Ayon kay Abanador, sakit ng ulo na mawalan siya ng trabaho ngayong panahon ng lockdown, doble-pasakit pa ngayong nasunog ang kaniyang mga gamit.

“Wala na natira. Wala na trabaho, nawalan pa gamit,” aniya.

Aabot sa P50,000 ang halaga ng pinsala sa ari-ariang naidulot ng sunog, ayon sa BFP.

Pansamantalang kukupkupin ng barangay ang mga nasunugan, sabi ng barangay chairperson na si Ted Santos. -- Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.