Suspek sa pagpatay sa PWD sa Oriental Mindoro, timbog

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at May 25 2019 12:56 PM

Nakakulong na sa Calapan City Detention Center si Jemar Espares Datoon, ang itinuturong pumatay kay John Henry Orpia. Larawan mula sa Calapan City Police

Naaresto na ng Mansalay Police ang suspek sa brutal na pagpatay sa isang 18-anyos na lalaking pipi at bingi sa Calapan City, Oriental Mindoro.

Ayon kay Police Lt. Col. Efraim Camara, hepe ng Calapan City Police, nahuli si Jemar Espares Datoon, 20-anyos, sa isang kubo sa Sitio Matucao, Barangay Balugo sa bayan ng Mansalay, Huwebes ng umaga.

Siya ang itinuro ng testigo na tumangay sa cellphone ng biktimang si John Henry Orpia at pagkatapos ay pinagsasaksak pa ng halos 40-beses sa Barangay San Rafael.

Dagdag ng pulisya, dati nang nakulong sa kasong robbery sa provincial jail ang suspek.

Kinasuhan na ang suspek ng robbery with homicide at nakakulong na ngayon sa Calapan City Detention Center.