Sekyu na dawit sa rape-slay sa Lipa City, walang lisensya

ABS-CBN News

Posted at May 25 2019 11:55 AM | Updated as of May 26 2019 10:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA - Walang lisensya upang maging guwardiya ang security guard na sangkot sa panggagahasa at pagpatay sa isang ulila sa Lipa City, sabi ng mga awtoridad Sabado.

Ang security guard na si Jorge Benedicto na gumahasa at pumatay sa isang 21-anyos na babae ay ilegal na natanggap sa security agency na pinagtrabahuhan niya, ani Police Col. Edwin Quilates, direktor ng Batangas Provincial Police Office.

"Wala po siyang lisensya. Dapat hindi siya hinire ng security agency," ani Quilates sa isang panayam sa DZMM.

"We are making the necessary reports and we will be submitting that for sanction ng security agency," aniya.

Ayon sa mga kasamahang guwardiya ng suspek, matagal na itong naobserbahang may "pagkamaniyakis" tuwing makakakita ng mga magagandang babae, sabi ni Quilates.

"According sa mga kasamahan niyang guards, tuwing may nakikita siyang maganda, iba ang tingin. 'Yung term na ginamit ng hepe, 'may pagkamaniyakis,'" aniya.

"Even 'yung Korean resident doon, pilit na nilalapitan, pilit na kinakausap," sabi niya.

"'Yung suspek natin ay mayroong criminal predisposition kasi sa lugar nila, sila ang trouble maker. Nagnakaw siya ng kalabaw doon tapos tumakbo dito sa Batangas," dagdag ng pulis.

Walang ibang residente na nagsampa ng kaso laban sa suspek, ngunit mananatili itong nakakulong matapos aminin na pinagplanuhan niyang gahasain ang biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.