P500,000 halaga ng alahas ninakaw sa Iloilo City

Joyce Clavecillas, ABS-CBN News

Posted at May 25 2019 01:29 AM | Updated as of May 25 2019 09:50 PM

ILOILO CITY - Ninakaw ang P502,000 halaga ng alahas mula sa isang jewelry shop sa loob ng mall sa Iloilo City Biyernes ng umaga.

Sa nakuhang kopya ng CCTV footage ng pulisya, pasado alas-10 ng umaga nang pumasok sa mall ang 1 babae at 4 na lalaki.

Kinausap ng babae ang nakabantay na guwardya sa entrance ng mall.

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, 2 lalaki ang nagpanggap na bibili ng mga alahas. Ilang minuto rin silang pumili ng mga alahas.

Habang abala ang 2 nagbabantay sa pag-asikaso sa mga nagpanggap na kustomer, mabilis na kinuha ng isa pang lalaki ang isang tray ng mga alahas mula sa estante at agad ibinigay sa kasamang lalaki.

Hindi agad napansin ng mga tindera ang pagnanakaw. Sa katunayan, ilang oras pa ang lumipas bago nila namalayang nawalan na sila ng alahas.

Ayon kay Police Supt. Jonathan Pablito, hepe ng Iloilo City Police Station 1, 42 alahas ang nawala sa jewelry shop at tinatayang aabot sa P502,000.00 ang halaga ng mga ito.

Pinakalat na ng PNP ang mga litrato ng 5 suspek upang mapabilis ang pagkilala at paghuli sa mga ito.

Ito na ang ikalawang pagkakataong nanakawan ang nasabing jewelry shop. Noong nakaraang taon ay ninakawan din ito. 

Malapit ito sa entrance ng mall at walang sariling guwardiya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.