Negosyante, 72, sugatan sa pamamaril sa Nueva Ecija

ABS-CBN News

Posted at May 25 2019 02:39 PM

SAN ISIDRO, NUEVA ECIJA - Sugatan sa pamamaril ang isang 72-anyos na negosyante matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin nitong Biyernes ng umaga.

Ayon sa imbestigasyon ng Nueva Ecija Provincial Police Office, nagmamaneho ng kotse palabas ng National Highway ang biktima nang pagbabarilin ng dalawang lalaki na lulan ng motorsiklo.

Nakuha pa ng negosyante na ipasok sa isang subdivision ang kaniyang sasakyan pero sinundan pa rin siya ng mga armadong lalaki at muling pinagbabaril bago tuluyang tumakas. 

Tama sa kaliwang braso at binti ang tinamo ng biktima, na agad dinala sa ospital.

Nakuha naman sa crime scene ang 9 na cartridge ng caliber .45 baril na isasailalim sa ballistic examination.

Inaalam naman ngayong ng PNP kung ano ang motibo sa pamamaril.

Ligtas na nagpapagaling ngayon sa ospital ang biktima.

-- Ulat ni Joanna Tacason, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.