Higit 30 minuto dagdag-oras sa biyahe dahil sa Marcos Bridge rehab: MMDA

ABS-CBN News

Posted at May 25 2019 05:40 PM | Updated as of May 25 2019 09:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Matapos ang ilang pagkakaantala, itutuloy na ngayong alas-11 ng gabi Sabado ang bahagyang closure ng Marcos Highway bridge na nag-uugnay sa Katipunan Ave. sa Quezon City at ang siyudad ng Marikina, at Taytay at Antipolo sa Rizal.

Isasara ang eastbound lane ng tulay na tatagal hanggang Setyembre. Matapos nito ay isasara naman ang westbound lane ng tulay.

Unang itinakda ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang rehabilitasyon ng tulay noong Mayo 4 pero ipinagpaliban ito dahil hindi pa daw handa ang proyekto.

Ayon sa MMDA, dahil sa partial closure ay inaasahang madadagdagan ng 30 minuto o higit pa ang biyahe ng mga motorista na gumagamit ng tulay.

Tinatayang nasa mahigit 6,000 motorista ang maaapektuhan ng pansamantalang pagsasara.

Ngayong Sabado ay nakaposisyon na ang heavy equipment at kompleto na rin ang traffic at safety signage sa may tulay.

Gawa na rin ang mga traffic light sa FVR road, na bahagi ng alternatibong ruta papunta at pabalik ng Libis sa Quezon City at Antipolo sa Rizal.

Nag-abiso ang MMDA sa mga motorista na sundin ang mga alternatibong ruta sa kasagsagan ng bridge rehab.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.