Grupo hinikayat ang DOH na ibunyag ang mga brand ng 'pekeng suka'

ABS-CBN News

Posted at May 25 2019 05:09 PM | Updated as of May 25 2019 08:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nananawagan ang isang consumer group sa Department of Health (DOH) na isapubliko ang mga brand ng suka na masusuring may sangkap na synthetic acetic acid at tinaguriang mga "fake vinegar."

Ito ay matapos sabihin ng DOH na isinasailalim nila ngayon ang halos 300 brand ng suka — lokal man o imported — sa laboratory test para masigurong walang sangkap ang mga ito na synthetic acetic acid.

Nauna na kasing nagsagawa ng laboratory test ang Philippine Nuclear Research Institute ng Department of Science and Technology (DOST) kung saan natagpuan nilang may hindi natural na sangkap ang ilang brands ng suka.

Nananawagan ang isang consumer group sa DOH na isapubliko ang mga brand ng suka na nasuring may sangkap na synthetic acetic acid.

Dapat daw magpaliwanag ang mga kompanya kung bakit natural ingredients ang kanilang nilalagay sa label samantalang meron pala itong sangkap na synthetic acid.

"Nakasaad sa Consumer Act... ay dapat totoo ang ilalagay sa label ng produkto," sabi ni Atty. Vic Dimagiba, presidente ng Laban Konsyumer.

Sabi ng DOH, bawal ang sangkap na synthetic acid sa suka kaya maaaring matanggalan ng business permit o lisensiya ang mga negosyong lumabag dito.

—Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.