Dating fast food crew, construction worker magtatapos sa PMA

ABS-CBN News

Posted at May 25 2019 04:35 PM | Updated as of May 25 2019 08:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kabilib-bilib ang kuwento ng dalawang kadete na dating nagtatrabaho bilang fast food crew at construction worker na ngayon ay makakatapos na sa Philippine Military Academy (PMA).
 
Hindi naging madali para kay Cadet 1CL Tephany Faciol ang kahirapan sa buhay kaya nagpursige siya na makatapos sa pag aaral.

Naging fast food crew muna noon si Faciol bago pumasok sa PMA.

Bunso siya sa tatlong magkakapatid at tubong Butuan City.

Kuwento nito, nagtatrabaho ang kaniyang ama bilang basurero at tricycle driver habang housewife naman ang ina.

"Financially unstable po kami kasi 'yung papa ko nagtatrabaho po talaga as garbage collector po samin tapos 'yung mama ko walang trabaho. At the same time 'yung papa ko po is tricycle driver," kuwento niya.

"Iyung papa ko sa gabi po nangongolekta po siya ng basura sa buong city sa Butuan tapos in between hours tricycle driver po," dagdag niya.

Pero malaki pa rin daw ang pasasalamat niya sa mga magulang na nagtiyaga para buhayin sila.

Para makatapos sa kolehiyo, pumasok si Faciol bilang crew sa isang fast food chain.

Grumaduate siya sa kursong BS Mathematics sa Caraga State University pero tila di raw masusustentuhan ng kaniyang tinapos ang pangangailangan ng pamilya kaya pumasok siya sa PMA.

Si Cadet 1CL Alvin Mendones naman na tubong Urdaneta, Pangasinan, nagtrabaho muna bilang bartender sa isang coffee shop at naging construction worker pa.

Construction worker din ang kaniyang ama at housewife ang ina.

Tumigil ito sa pag-aaral at nagtrabaho para tulungang makatapos ang kaniyang nakatatandang kapatid.

Nagpursige siya sa akademya para tulungan ang pamilya pero noong nakaraang taon lang ay namatay ang kaniyang ama dahil sa cancer. Ito raw ang pinakamahirap na pinagdaanan niya sa buhay.

"To the point na nasa harap ka ng kabaong nagre-review ka. Kasi pagkabalik mo may 5 subjects ka pa na ite-take na exam," pag-alala ni Mendones.

Pero sa kabila nito, nagpapasalamat pa rin siya sa Diyos na makatatapos na siya sa PMA at matutulungan ang pamilya.

Sa Linggo na gaganapin ang graduation rites ng mga kadete ng PMA Mabalasik Class 2019.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.