Biktima ng aksidente, nanakawan umano ng cellphone

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at May 25 2019 11:19 AM

ZAMBOANGA CITY – Tila doble dagok ang inabot ng isa sa mga biktima ng naaksidenteng motorsiklo sa lungsod, Biyernes ng gabi.

Bukod sa nagtamo na ng mga sugat mula sa pag-semplang ng inangkasang motorsiklo, ninakawan pa umano siya ng isa sa mga taong tumulong sa kanila.

Nawala umano ang kaniyang cellphone habang nakahandusay sila sa kalsada.

Tatlo silang sakay ng motorsiklo nang mawalan ng kontrol at sumemplang sa Barangay Tumaga.

Inamin ng driver ng motorsiklo na nakainom siya. Pero giit niyang hindi siya lasing at kinaya pa niyang magmaneho ng mahabang oras na biyahe mula sa lugar kung saan sila uminom ng kaniyang mga kaibigan.

Dinala sa pagamutan ang tatlong magkakaibigan.

Samantala, sugatan naman ang customer ng isang bilyaran nang ma hit-and-run ng isang motorsiklo sa Calle Governor Camins.
 
Nagtamo ng malalim na sugat sa ulo ang biktimang si Henjie Ong. Tumama ang ulo nito sa kongkretong daan nang mabangga ng humaharurot na motorsiklo.

Ayon sa security guard na si Rommel Marteja, tumawid si Ong sa highway para bumili sa isang tindahan nang bigla siyang mabundol ng motorsiklo.

Pero imbes na tulungan si Ong, agad na umalis ang driver na nakasuot ng pulang damit at may naka-angkas pa na babae.

Hindi nakuhanan ng plaka ang motorsiklo.

Tinitingnan na ng mga pulis ang kuha ng CCTV sa ilang gusali sa lugar upang makuha ang plaka ng motorsiklo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.