2 patay sa hiwalay na pamamaril sa Davao City

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at May 25 2019 10:41 AM

Sa loob ng kaniyang bahay pinagbabaril ang magsasakang si Reynante Baon Ansano sa Barangay Angalan, Tugbok District, Davao City

DAVAO CITY – Dalawang lalaki ang pinagbabaril sa magkahiwalay na insidente sa lungsod nitong Biyernes.

Patay ang magsasakang si Reynante Baon Ansano, 39-anyos, matapos pagbabarilin sa loob ng kaniyang bahay sa Barangay Angalan, Tugbok District, Biyernes ng umaga.

Hindi pa matukoy ng Tugbok Police kung sino ang mga salarin dahil wala pang lumilitaw na witness sa pagpatay kay Ansano.

Tatlong bala ng kalibre .45 na baril ang narekober ng awtoridad sa crime scene.

Hustiya rin ang sigaw ng pamilya ni Elezarte Oberez matapos pagbabarilin ng dalawang salarin sa labas ng kaniyang bahay sa Barangay Daliao, hapon naman ng Byernes.

Dead on arrival na ito sa ospital.

Tumangi munang magbigay ng pahayag ang kaniyang pamilya kaugnay ng insidente pero mayroon na silang itinuturong responsable sa pagpatay.

Base sa record ng Toril Police, dating drug surrenderer si Oberez.

Patuloy na iniimbestigahan ang dalawang insidente ng pamamaril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.