'Wala nang banta sa buhay': Napoles inalis sa Witness Protection Program

ABS-CBN News

Posted at May 25 2018 07:32 PM

Tinanggal ng Department of Justice (DOJ) nitong Biyernes sa kanilang Witness Protection Program (WPP) ang tinaguriang "pork barrel queen" na si Janet Lim-Napoles.

Nakasaad sa liham na ipinadala ni DOJ Secretary Menardo Guevarra sa kampo ni Napoles na agarang epektibo ang pag-alis kay Napoles sa Witness Protection Security and Benefit Program (WPSBP).

"As there has been no further claim of threats to her personal security inside Camp Bagong Diwa, the Secretary of Justice has found no reason to extend further Ms. Napoles' provisional coverage under the Witness Protection Program," ani Guevarra.

Noong Marso ay inaprubahan ng DOJ sa ilalim ng dati nitong kalihim na si Vitaliano Aguirre II ang pansamantalang pagsama kay Napoles sa WPSBP.

Sa panayam ng DZMM sa abogado ni Napoles, sinabi niyang nanghihinayang ang kampo nila sa pagtanggal kay Napoles sa WPP. 

"Nanghihinayang lang kami sana kung tinuloy ang pagsasalita niya, nalaman sana ng bayan natin kung sino talaga ang involved na mga kumita sa PDAF (Priority Development Assistance Fund)" ani Atty. Stephen David.

Aniya, makatutulong sana umano ang WPP upang maituro ni Napoles ang mga sangkot sa pork barrel scam.

"Ang pagwi-witness ni Napoles ay gusto ng DOJ sa panahon ni [Vitaliano] Aguirre...ang daming dapat imbestigahan pa kaya naman naisipan noon na kunin siya para tulungan 'yong gobyerno ma-pinpoint ang mga dating involved," dagdag ni David. 

Taong 2013 nang masiwalat ang ilegal umano na paggamit ng PDAF ng mga mambabatas upang ilagay sa mga bogus na non-government organizations (NGO) na itinayo ni Napoles.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.