PatrolPH

Umano'y lider ng drug group, patay sa engkuwentro sa Bacolod

ABS-CBN News

Posted at May 25 2018 05:21 AM

BACOLOD CITY, Negros Occidental - Patay ang umano'y lider ng isang drug group matapos maka-engkuwentro ng mga pulis sa Bacolod City Huwebes ng hapon.

Kinilala ang suspek na si Ramy Poja, 39 anyos, na itinuturing na most wanted person ng Bacolod Police Station 3.

Nasawi rin sa engkuwentro ang kasamahan ni Poja na si Roberto Lim na itinuturing din ng pulisya na isang high-value target.

Sugatan naman si Rusty Constantino at nahuli rin ang 2 iba pa, kasama ang kasintahan ni Poja na si Claudine Bindol.

Ikinasa ang operasyon matapos magkabarilan ang mga suspek at mga pulis Huwebes ng umaga.

Makalipas ang ilang oras, nagka-engkuwentro ulit ang mga suspek at mga pulis sa Sitio Sibucao, Barangay Banago na ikinasawi nina Poja at Lim.

Si Poja ay mayroong arrest warrant sa kasong illegal drugs.

Narekober naman ng mga pulis ang ilang baril at ilang pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P840,000.

Ayon kay Senior Supt. Francisco Ebreo, director ng Bacolod City Police Office, mababawasan ang kalakaran ng pagtutulak sa siyudad dahil sa pagkamatay ni Poja.

Nagbanta rin siya sa mga taong sangkot sa ilegal na gawain na tumigil na habang maaga pa. - ulat ni Barbara Mijares at Martian Muyco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.