Sekyu, patay sa pananaksak sa Caloocan

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at May 25 2018 10:03 AM

MANILA - Tadtad ng saksak sa iba't ibang parte ng katawan at wala ng buhay nang matagpuan ang isang security guard sa loob ng bahay ng kaniyang kainuman sa Bagong Silang, Caloocan, Huwebes.

Ang menor de edad na anak ng isa sa 2 suspek ang nakaduskubre sa bangkay ng biktimang si Efren Moreto.

Base sa inisyal na imbestigasyon, Miyerkoles pa lang ng gabi ay patay na ang biktima dahil may mga kapitbahay na nakakita sa mga suspek na sina Philip Locsin at Warren Caballero na umalis sa pinangyarihan ng krimen, Huwebes ng madaling araw.

Giit ni Andrea Centanaje, live-in partner ng biktima, maaring pagnanakaw ang motibo dahil nawawala ang dalang 70,000 ni Moreto na pampasuweldo sana sa mga gumagawa ng kanilang bahay sa Valenzuela.

"Nung nakita ko po asawa ko na patay na. Wala na po 'yung silver, pera at lisensya. Ang wallet po wala ng laman,” ani Centanaje.

Tinitingnan din ng Caloocan police ang anggulo ng selos dahil 2 araw bago ang krimen ay nag-away umano si Locsin at ang misis nito dahil sa selos.

Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.