Kontrabando mula China, nasabat sa Davao

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at May 25 2018 06:03 PM

Sako-sakong sibuyas na hinalo sa mga kahon ng mansanas ang ilang sa mga nadiskubreng produktong laman ng container vans na binuksan ng Bureau of Customs sa Davao.

DAVAO CITY - Binuksan ng Bureau of Customs ang apat na mga container vans na may lamang smuggled goods mula sa China.

Makikita sa loob ng container vans ang karton-karton na mansanas. Pero sa unahang bahagi nito ay mga sako-sakong sibuyas na aabot sa 6,300 na sako.

Ayon kay BOC Commissioner Isidro Lapeña, ang dalawang shipments ay mula sa China habang ang dalawa iba pa ay mula sa Indonesia at United States.

“Front lang nila ang mga apples kasi tax free pero sa loob mga sibuyas na. Pareho kasi ang porma ng sibuyas at apple,” ani Lapeña.

Sa ibang container vans matatagpuan naman ang 401 na mga karton ng candy at 869 na karton ng mosquito coil.

“Itong mga Snowbear na ito ng tiningnan ng mga examiners was made in Pasig City but the container came from China. So hindi natin alam bakit ganon ang ikot nila. But it was not declared ang mahirap dito baka fake,” sabi ni Atty. Romalino Valdez, ang District Collector ng BOC Davao.

Mayroon ding 14 na shipments ng mga bigas na mula sa Vietnam pero walang mga import permit. Ang iba nito nasa Davao International Container Terminal sa Panabo.

Tinatayang aabot sa P50 milyon ang halaga ng nasabing smuggled goods.

“Itong mga bigas inabandona na…wala silang mga import permits. Sa gobyerno na ito ngayon either i-auction, i-donate o i-destruct,” ani Lapeña.

Pinaalalahanan naman ni Lapeña ang mga negosyante na sundin ang legal na proseso sa pagnenegosyo at iwasan ang pag-smuggle ng mga produkto.

“Go by what is legitimate by declaring the correct valuation and do the legitimate way of business operations,” sabi niya.

Nag-isyu na ang BOC ng warrants of seizure and detention, alinsunod sa Section 1400 at Section 1300 sa Customs Modernization and Tariff Act sa mga responsable sa pagpuslit ng mga produkto sa bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.