Bus, bumangga sa simbahan sa Bukidnon; 3 patay

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at May 25 2018 02:25 AM

Kuha ni MCris Ayano

BUKIDNON - Patay ang 3 katao habang sugatan naman ang ilang pasahero matapos bumangga ang isang pampasaherong bus sa isang simbahan sa Barangay Patpat, Malaybalay City Huwebes ng hapon.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, iniwasan umano ng drayber ng bus na si Benjamin Marinay ang isang bata na biglang tumawid sa daan.

"Nag-apply ng full brake ang drayber ng bus. Pero dahil madulas ang daan, hindi nakayanan ng brake at dumiretso sa Baptist Church sa kabilang lane ang bus. Pagkabangga nito sa simbahan, saka ito natumba patagilid," ani PO3 Douglas Macalos, traffic investigator ng Malaybalay City Police Station.

Galing Cagayan de Oro at papuntang Valencia City, Bukidnon ang bus na may sakay na 26 na pasahero.

Nasawi ang 2 pasahero ng bus na sina Irene Gaa, 33-anyos, at Regine Abug, 10-anyos.

Nadaganan din ng bus ang isang bata na kinilalang si Jomaica Tacay, 14-anyos, na nasa gilid ng daan nang mangyari ang aksidente.

Patuloy naman na ginagamot sa ospital ang ilang pasahero, drayber at konduktor.

Sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple serious physical injuries, at damage to property si Marinay.

Ayon kay Macalos, kinausap na ng tagapamahala ng bus company ang mga biktima na aakuin ang mga gastusin sa kanilang pagpapagamot at magbibigay rin ng ayuda sa pamilya ng mga namatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.