37 inmates sa Bilibid, nagtapos ng iba't ibang kurso

ABS-CBN News

Posted at May 25 2018 09:11 PM

Bagong pag-asa ang mensahe ng pagtatapos nitong Huwebes ng 37 inmates ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City. 

"Prison is not the end of your life...We all make mistakes and we should all be given second chances in life," ani alyas "Gelo" na ginawaran bilang valedictorian ngayong taon.

Kabilang si Gelo sa mga nagsipagtapos sa kursong Bachelor of Science in Entrepreneurship at Computer Hardware Servicing.

Dagdag ni Gelo, hindi dapat magtapos sa bilangguan ang kagustuhang makamit ang mga pangarap sa buhay.

"I want to live normally again...I want to be given a second chance upon my eventual release," ani Gelo.

May anim na taon pa siyang pagsisilbihan sa loob ng Bilibid dahil sa kinakaharap na kasong homicide.

Nakumpleto ng mga bilanggo ang kanilang mga kurso sa ilalim ng programa ng University of Perpetual Help katuwang ang Bureau of Corrections (BuCor).

Ayon naman sa pamunuan ng BuCor, tutulungan umano nila ang mga inmate na makahanap ng trabaho kapag nakalaya na ang mga ito.

"Kung kayo hindi mae-employ, dumaan kayo sa opisina ko, bibigyan ko kayo ng personal na recommendation ko. Whatever job na gusto niyong applyan," ani BuCor chief Ronald dela Rosa.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.