2 'fixer', nabistong 'made in Recto' ang mga alok, timbog

ABS-CBN News

Posted at May 25 2018 09:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dalawang lalaki ang hinuli sa magkasunod na entrapment operation ng Cavite police nitong Huwebes matapos silang pagbintangang nagpanggap na mga 'fixer.' 

Modus operandi ng dalawa na magkunwaring fixer na konektado sa Land Transportation Office (LTO) pero 'yun pala ay pekeng driver's license na ipinagawa lamang sa Recto ang kanilang ibinibigay sa mga parokyano. 

Sa unang entrapment naaresto si Kenneth Advincula at kinahapunan ay natimbog naman ang kasabwat umano nitong si Melca Brillantes.

Ikinasa ang operasyon matapos magsumbong ang isa sa kanilang umano ay nabiktima na si Hasel Manabat.

Kuwento ni Manabat, nakita niya ang post ni Advincula sa Facebook na nag-aalok ng "tulong" para sa mabilis na pagproseso ng driver's license.

Dahil maraming inaasikasong requirements ang biktima sa kaniyang pag-a-apply bilang mandaragat, naisip niyang kumagat at magbayad na lang kay Advincula.

"Ako naman po, nagtiwala agad, siyempre bawas sa oras eh marami rin kasi akong requirements na nilalakad," paliwanag ni Manabat.

Sa halagang P3,000, isang araw lang ay may lisensiya na siya, at puwede pang ipa-deliver sa bahay.

Pero nang siyasatin ng mga awtoridad, napag-alamang peke pala ang ibinigay na lisensiya kay Manabat. 

"Upon verification sa LTO, hindi registered. Napag-alaman natin na fake itong driver's license, kaya nagsagawa tayo ng entrapment operation," ani Superintendent Paul Bometivo, hepe ng General Trias, Cavite police.

Narekober sa mga suspek ang iba pang mga pekeng lisensiya.

Depensa naman ni Advincula, akala raw niya ay talagang konektado sa LTO si Brillantes at nagsisilbi lang siyang middleman.

"Bale sir ako lang po ang kumukuha ng details, ang sabi ng kilala ko sa loob (Brillantes) kaya niyang maglabas ng license isang araw lang," giit ni Advincula.

Umamin naman si Brillantes na sa Recto, Maynila lang niya ipinapagawa ang mga lisensiya sa halagang P300. 

May paalala naman ang Philippine National Police (PNP) sa mga kumakagat sa fixers.

"Sa mga kababayan natin, huwag na po tayong maghanap ng mga fixer. Di bale nang medyo matagalan ang pagproseso sa LTO, at least sigurado tayo na genuine ang makukuha nating license," ani Police Regional Office-4A director Chief Superintendent Guillermo Eleazar.

Kinasuhan na ng estafa through falsification of public documents ang mga suspek.

Hinikayat din ng PNP na magsampa ng reklamo ang iba pang biktima ng dalawa.

--Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.