'We cannot force people to stay' - Marawi mayor

ABS-CBN News

Posted at May 25 2017 09:36 PM

Marami sa mga residente apektado ng gulo sa Marawi ang napilitang lumikas sa Iligan City sa takot na maipit pa sa bakbakan.

"We cannot force them to stay, lalo na sa nakikita nila na mayroong mga presensiya ng mga sundalo, mga tanke, at presence of this group na pwedeng sumiklab yung gulo at anytime," paliwanag ni Marawi Mayor Majul Gandamra sa DZMM.

Prayoridad ngayon ng pamahalaang lokal ng Marawi City ang matugunan ang pang araw-araw na pangangailangan ng mga residenteng naipit sa bakbakan sa pagitan tropang militar at ng Maute group.

"Ang aking top most priority ay mabigyan ng basic support like for example itong mga pagkain, inumin at temporary shelter sa mga gustong lumikas sa kani-kanilang mga bahay," pahayag ni Gandamra. 

Kasalukuyang aniyang naghahanap ang lokal na pamahalaan ng evacuation center na ligtas at walang presensiya ng Maute group.

Wala pa namang natatanggap na ulat ang alkalde hinggil sa mga umano'y sibilyan na napatay sa gulo.

"As of today, ang aking initial report, mayroon pong namatay from the Maute group and also may reported wounded sa ating kasundaluhan," sabi niya.

Pero wala pa rin aniya siyang maibibigay na eksaktong bilang ng mga nasawi o nasugatan sa bakbakan dahil pawang mga inisyal na ulat pa lamang ang kanyang natatanggap.

Ayon sa press briefing Miyerkoles ng gabi ng Armed Forces of the Philippines, binanggit na 13 kasapi ng Maute group ang napatay pero dalawang bangkay pa lamang ang narerekober.

Lima naman ang nasawi at 31 ang nasugatan sa panig ng gubyerno.

Ilang gusali din ang sinilaban ng Maute group pero nilinaw ni Gandamra na hindi kasama dito ang kanilang ospital.

"Wala pong katotohanan doon sa pagsunog sa hospital dahil ang hospital ngayon ay under ng pamamahala ng ating gubyerno. May mga sundalo doon at may mga duktor din po at may mga natitirang pasyente doon," aniya.

Isa sa mga sinunog ng grupo ay ang bahagi ng Bureau of Jail Management and Penology kung saan pinakawalan din nila ang may 100 bilanggo doon.

"Yun po ang report doon sa pagsalakay sa BJMP dahil during that time ay nagkaroon ng bakbakan ang ating militar in one of our barangays dito sa Marawi. Doon po naka-focus ang ating PNP personnel at military kaya po siguro naging konti lang ang tao doon at nag-take advantage naman itong grupong ito na pasukin itong BJMP. And, as reported, mayroon po talagang mga nakakulong na nakatakas po," pahayag ni Gandamra.

Para kay Gandamra, may banta pa rin ng Maute group sa kanilang lugar at ito ay nagdudulot ng takot sa mga residente.

"We do not know kung anong iniisip nila. Maaring i-hostage nila. Baka gawing human shield ang mga tao. Ayaw nating mangyari yun," sabi niya.

Watak-watak umano ang miyembro ng Maute group sa Marawi at ang ginagawa nila ay magpunta sa isang lugar, establisyemento at magpakuha ng litrato at video at ia-upload sa Facebook.

"Ipinapakita na mayroon silang presence o sinasabi nilang mayroon silang control in certain parts of Marawi City," kuwento ni Gandamra.

Patuloy naman ang koordinasyon nila sa militar matapos din na magdeklara ng martial law si Pangulong Rodrigo Duterte.

"We have to coordinate with the military dahil sa ngayon po, sila ang supreme authority in terms of security matters, although functioning pa rin ang civilian authority," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.