Sultan Kudarat, nagpatupad na ng curfew

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at May 25 2017 05:19 PM

SULTAN KUDARAT - Sinimulan na nitong Miyerkules ng gabi ang implementasyon ng curfew simula 10 p.m. hanggang 4 a.m. dito.

Ayon kay Supt. Romeo Galgo Jr., tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 12, ipinag-utos umano ito ni Pangulong Duterte kaya agad nagpababa ng direktiba ang PRO 12 sa mga istasyon ng pulis sa lalawigan.

Ito’y para matiyak ang seguridad ng mamayan ng Sultan Kudarat, ayon kay Galgo.

Inabisuhan nila ang mga residente na magdala ng ID sa gabi para may maipresenta sa mga otoridad na magsasagawa ng checkpoint.

Nilinaw naman ni Galgo na ang Sultan Kudarat pa lang ang nagpatupad ng curfew sa rehiyon. 

Wala pang curfew sa General Santos, Sarangani at South Cotabato pero asahan pa rin ang mahigpit na checkpoint sa buong rehiyon.

Inabisuhan din ang mga hepe ng pulisya na gawing 24 oras ang pagbabantay sa mga checkpoint.

Nagdeklara ng martial law si Duterte sa kabuuan ng Mindanao noong Martes ng gabi sa gitna ng bakbakan ng Maute group at militar sa Marawi City.

Kabilang ang Sultan Kudarat sa mga probinsya na nais magpatupad ng curfew ni Duterte. Ang iba pang probinsya ay: Lanao del Sur, Lanao del Norte, Maguindanao, North Cotabato at Zamboanga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.