PNP, pinabulaanan ang mga bantang umiikot sa text

Raffy Santos, ABS-CBN News

Posted at May 25 2017 05:30 PM | Updated as of May 25 2017 11:40 PM

Mas pinaigting ng pulisya ang seguridad sa Metro Manila sa pamamagitan ng mga karagdagang checkpoint. Raffy Santos, ABS-CBN News

Pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) ang kumakalat na text message na may mga suicide bombers mula Mindanao na maghahasik ng terorismo sa Metro Manila.

Nakiusap ang mga awtoridad na tigilan na ang pagkakalat ng mga ganitong impormasyon na nagdudulot lamang ng dagdag na pangamba at walang kasiguraduhan kung totoo. Siniguro rin ng PNP na handa silang rumesponde sa anumang banta.

Gayunman, naglatag na ng karagdagang mga checkpoint sa iba’t-ibang lansangan sa Metro Manila nitong Huwebes bilang bahagi ng mas pinaigting na seguridad laban sa banta ng terorismo.

Ayon sa PNP-National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO), magiging pangkaraniwan na raw ang ganitong mga checkpoint kahit wala pa silang nasasagap na impormasyon tungkol sa maaring pag-atake sa Metro Manila. Nakataas pa rin sa full alert status ang lahat ng pulis dito.

Mas pinaigting na seguridad din ang paksa nitong Huwebes sa pulong ng NCR Regional Peace and Order Council sa Quezon City.

Ani Quezon City Mayor Herbert Bautista, dapat siguruhin ng lahat na hindi madadamay ang Metro Manila sa sigalot ngayon sa Marawi City.

“Dapat aware tayo... Baka may mag-take advantage sa sitwasyon... ‘Yung mga taga roon na pupunta rito dapat tingnan nating mabuti,” ani Bautista.

Mga dapat gawin sa checkpoint

Nilinaw naman ng pulisya na walang dapat ipangamba ang mga tao dahil para sa seguridad ng lahat ang mga checkpoint.

Narito ang ilang paalala ng PNP sa mga motorista kapag makakikita at dadaan sa checkpoint:

  • Kapag nakakita ng checkpoint na may malinaw na karatula at sasakyan ng pulis, bagalan ang takbo ng sasakyan.
  • Ibaba ang bintana at buksan ang ilaw sa loob ng sasakyan para masilip ng mga pulis ang loob nito. 
  • Bawal buksan ng mga pulis ang sasakyan at bawal din silang magpababa ng mga motorista maliban na lang kung magkusa ang sakay nito.
  • Bawal din ipasok ng mga pulis ang anumang parte ng kanilang katawan sa sasakyan.

Seguridad sa Quiapo bago ang Ramadan

Nagkakaisa naman ang mga muslim sa Quiapo upang ipagdasal ang kapayapaan sa Mindanao sa pagsapit ng Ramadan.

Kasama sa paghahanda sa Ramadan ay ang dobleng paghihigpit ng pulisya sa seguridad sa Quiapo.

Mas madalas na rin ang checkpoint sa lugar kung saan katulong dito ang Salaam Police o ang Muslim police. 

Kamakailan lamang ay niyanig ng mga pagsabog ang Quiapo at hanggang ngayon ay may takot pa rin ang ilang residente.

-- Ulat nina Raffy Santos at Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.