'No ID, no entry' ipinapatupad sa Cotabato City

Jasper Acosta, ABS-CBN News

Posted at May 25 2017 08:20 PM

COTABATO CITY - Sinimulan na ang pagpapatupad ng "no ID, no entry" policy sa Cotabato City kasunod ng pagdedeklara ng martial law sa buong Mindanao.

Habang wala pang pinal na direktiba ang pambansang pamahalaan sa papel na gagampanan ng militar, pulisya at lokal na mga opisyal sa pagpapatupad ng martial law sa Mindanao, naglabas ng guidelines ang lokal na pamahalaan ng Cotabato City na magsisilbing gabay ng mga residente upang maging ligtas sa anumang banta ng karahasan sa siyudad.

Ilan sa mga nakasaad sa guidelines ay ang pansamantalang pag-iwas sa mga matataong lugar, pag-iwas sa pagpaparada ng mga sasakyan sa highway, gayundin ang pag-iwas sa pag-iiwan ng mga gamit sa kalsada na maaring mapagkamalang bomba o pampasabog.

Pinapayuhan rin ang mga menor de edad na iwasan ang paggala sa lansangan sa gabi.

Paalala ng pamahalaan sa mga residente ng siyudad na nasa labas ng lungsod, kinakailangang magdala ng ID dahil sa pagpapatupad sa lungsod ng "no ID, no entry" policy.

Ito ay upang maiwasang makapasok sa lungsod ang nasa 107 pugante mula sa Marawi City, maging ang mga miyembro ng Maute group.

"Sa mga no ID, no entry. We have to question their identity, we will seclude them in checkpoints," ani Police Supt. Victor Valencia, ang City Police Director ng Cotabato.

"Strict din tayo sa city, in the light of the prisoners na nakatakas sa Lanao, hindi natin malaman kung ang nakapasok sa city natin ay mga bilanggo o hindi," dagdag pa ni Mayor Cynthia Guiani.

Ikinagulat naman ng ilang motorista ang ipinatutupad na "no ID, no entry" policy sa lungsod.

Binigyang babala ng pulisya at militar ang mga motoristang hindi nakapagpakita ng ID sa unang araw ng implementasyon ng bagong polisiya.

Marami ring mga motorista ang sumang-ayon sa bagong polisiya dahil naiintindihan nila na ito ay para sa seguridad ng lahat.

Bukod sa "no ID, no entry" policy, pinaigting rin ng lokal na pamahalaan ang curfew at pagroronda sa iba't ibang lansangan sa lungsod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.