Mag-ama, patay sa salpukan ng tri cab at trak sa Misamis Oriental

Greanne Mendoza, ABS-CBN News

Posted at May 25 2017 11:47 AM

EL SALVADOR CITY, Misamis Oriental – Dead on the spot ang isang lalaki at ang kanyang 13-taong gulang na anak matapos na maaksidente nitong Miyerkoles ng umaga.

Minamaneho ng biktimang si Jimmy Cabillo ang kanilang tri cab sakay ang kanyang anak na si John Vincent nang sumalpok sila sa isang rumaragasang prime mover truck na minamaneho ni Nathaniel Rodofol.

Ayon sa pulisya, iniwasan umano ng truck ang isang motorsiklo pero hindi napansin ni Rodofol ang paparating na tri cab mula sa kabilang kalsada.

Parehong mabilis ang takbo ng dalawang sasakyan, ayon sa pulis.

Giit naman ng driver, aksidente lang ang nangyari.

Nakakulong na ngayon si Rodofol sa El Salvador City Jail at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to double homicide.

Nangako naman ang insurance company ng truck ni Rodofol na magbibigay ng tulong para sa burol ng mag-ama.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.