Kapayapaan, ipinagdarasal ng mga Filipino Muslim sa Ramadan

ABS-CBN News

Posted at May 26 2017 12:42 AM

Ang Ramadan ay isa sa limang haligi ng Islam, kaya kabilang din ito sa pinakamahahalagang obligasyon ng mga Muslim. 

Nakatakdang gunitain ng mga Muslim ang Ramadan sa parating na Sabado, Mayo 27, at magtatagal ito nang 30 araw. 

Habang naghahanda ang Filipino-Muslim community sa paggunita ng Ramadan, saka naman nangyari ang gulo ngayon sa Marawi, kaya ipinagdarasal nila na nawa'y maresolba na ito sa lalong madaling panahon.

“Nakakalungkot. Kung meron tayong maitutulong, tumulong tayo. Bahagi ng Islam ang awa, awa sa kapwa, at talagang may takot kay Allah,” ayon kay Alnajib Maujon, director ng Markaz Dar Attazkiyah. 

Ayon sa grupo ng Filipino-Muslim youth, isinusulong ng mga mananampalataya ng Islam ang kapayapaan, kaya umaasa silang magkaisa ang lahat ng mga Pilipino -- Muslim man o Kristiyano -- para mapanatiling buhay ang bayanihan at pagmamahal sa kapwa.

"Nakakalungkot na nangyari ito sa buwan ng Ramadan. Islam comes from the word ‘Salam’ o peace. Iyan talaga ang kagandahan ng Islam at ‘yan ang isinasabuhay namin,” sabi ni Abunuayn Salih ng Federation of Muslim Students Association. 

Ilan naman sa mga Muslim religious leaders sa bansa ay nagpahayag ng kalungkutan dahil sa nangyari sa Marawi, gaya ni Ustadz Mohammad Nhor Sawato, Muslim Education Program specialist.
 
Payo niya, imbes na magsisihan, dapat ay tingnan ng bawat isa ang sariling kalooban kung ginagampanan ba ang tungkulin sa tagapaglikha at sa kapwa.

"Nakakalungkot at masakit sa damdamin. Kaysa sisihin ang sinuman, siguro mas mainam na ma-assess ng bawat isa ang kanyang sarili, kung ano ang kanyang tungkulin sa kanyang tagapaglikha at sa kapwa na hindi niya nagagampanan nang maayos," mensahe ni Sawato.

Ayon naman kay Sheikh Abduwakil Tanjilil, Deputy Grand Mufti ng Region 9 at Palawan, ang pinakasolusyon sa gulo ngayon sa Marawi, at kabuuan ng Mindanao ay kapayapaan, at ang Ramadan ang buwan ng kapayapaan.

“The ultimate solution in Marawi and Mindanao as a whole -- to stop the war. Ramadan is a month of peace, To all Muslims, we must love Ramadan, and we must love peace.”

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.