Ika-apat na 'most wanted' sa Parañaque, arestado

Raphael Bosano, ABS-CBN News

Posted at May 25 2017 07:36 PM

MANILA – Arestado sa Parañaque ang ika-apat sa “most wanted” list ng lungsod, kasunod ang utos ng hepe ng mga pulis sa National Capital Region na paigtingin ang pagdakip sa mga kilalang kriminal sa Metro Manila.

Arestado nitong Huwebes si Richard Lulab, na dalawang beses nang hinainan ng warrant of arrest para sa kasong rape.

Pinakahuling naghain ng reklamo sa kaniya ang anak ng kaniyang kinakasama, pero mariin niya itong itinanggi at umapela pa sa biktima na huwag nang ituloy ang kaso para hindi na magulo ang kanilang pamilya. 

Ayon naman kay Senior Superintendent Jemar Modequillo, hepe ng Parañaque Police, posibleng may iba pang biktima si Lulab. Hinikayat niya ang iba pang maaaring biktima na magtungo sa tanggapan ng mga pulis para maghain ng reklamo laban sa suspek.

Si Lulab na ang ika-apat na naaresto na kabilang sa top 10 most wanted sa lungsod. 

Siniguro ni Modequillo na lalo pa nilang paiigtingin ang paghanap at pagdakip sa ibang nasa listahan, kasunod ng utos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde na dakipin ang mga lumalabag sa batas. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.