Hinihinalang drug lord, patay sa Mandaue City

Aiza Layague, ABS-CBN News

Posted at May 25 2017 09:43 PM

Nakuha mula kay Christian Aquino ang 2 sachet ng hinihinalang 'shabu,' at iba pang kagamitan na pinaniniwalaang ginamit sa bentahan ng ilegal na droga. Aiza Layague, ABS-CBN News


MANDAUE CITY - Patay ang isang hinihinalang drug lord matapos itong makipagbarilan sa mga awtoridad habang isinasagawa ang isang buy-bust operation sa Barangay Bakilid Huwebes ng madaling araw.

Kinilala ang suspek na si Christian Aquino, ang No. 1 high-value target sa Central Visayas ayon sa pulisya. Nakipagbarilan ito sa mga tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit 7(RDEU) pasado ala-1 ng madaling araw.

Naitakbo pa si Aquino sa ospital ngunit namatay din ito bandang 10:40 a.m.

Nakuha mula sa suspek ang dalawang sachet ng hinihinalang 'shabu,' isang handbook, isang .38 kalibre na baril at P6,000 na pinaniniwalaang perang kinita mula sa iligal na bentahan ng droga.

Ayon kay Senior Insp. Windell Abellana, mahigit isang taon nang binabantayan ang mga transaksyon ng suspek matapos itong sumuko sa Oplan "Tokhang" sa Moalboal, Cebu noong nakaraang taon.

Bahagi ang operasyong ito sa patuloy na kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.