Higit 200 piraso ng iligal na kahoy, nakumpiska sa Pangasinan

Michelle Soriano, ABS-CBN News

Posted at May 25 2017 03:44 PM

AGUILAR, Pangasinan – Itinambak sa harap ng istasyon ng pulis dito ang 230 piraso ng kahoy na nakumpiska sa Barangay Bocboc East.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), halatang iligal at itinatago ito dahil tinabunan pa raw ng ipa nang datnan ng kanilang tropa, kasama ang mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Hinihinalang galing ang mga ito sa puno ng acacia, bulala, camachile at santol. Ayon sa sukat ng DENR ay aabot sa 1,101.75 board feet, o katumbas ng higit P17,000 kung ibibenta, ang mga kahoy.

Mahigpit na ipinagbabawal ang pagputol ng mga punong kahoy dahil na rin sa log ban na ipinatupad sa pag-upo ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Hawak na ng PNP ang pangalan ng may-ari at caretaker ng lugar, na dadaan sa imbestigasyon. 

Paglabag sa Forestry Code of the Philippines ang inihahaing kaso ng DENR. Ito na ang ikalawang insidente ng “hot logs” na nasabat ng PNP ngayong taon.