EXCLUSIVE: 6 Tsino tiklo dahil sa human trafficking

Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Posted at May 25 2017 03:31 PM

MANILA - Naaresto Huwebes ang 6 na Chinese nationals sa Quezon City dahil umano sa human trafficking.

Ito'y matapos magsumbong sa Manila Police Division (MPD ) ang 2 biktima na inalok umano sila ng kasal at magandang buhay ng ilang Tsino, pero pagdating sa China ay isinama sila sa mga tauhan para magtanim sa isang sakahan.

Napag-alaman ng MPD intelligence group na ilang Pilipina na ang naipuslit ng mga suspek sa China. Madali anilang ma-enganyo ang mga dalaga dahil inaalok sila ng P150,000 para magpakasal.

Naaresto ang mga suspek nang salakayin ng pulisya ang kanilang condominium unit.

Nagsisilbi umano ang lugar bilang holding area ng mga Pilipinang biktima dahil kailangan ng 4 na buwan para maproseso ang kanilang mga papeles bago makabiyahe papuntang China.

Nakuha sa condominium unit ang ilang Chinese at Philippine passports.

Pero katwiran ng Chinese na si Steven Go, kusang loob sumasama sa China ang mga Pilipina at binibigyan naman sila ng pera.

Sa kabila nito, sasampahan ng human trafficking ang mga Chinese na sinasabing napakasalan na ng mga biktima

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya, lalo't mayroon umano silang impormasyon na may iba pang pang aabuso na nararanasan ng mga Pilipino sa kamay ng mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.