Biktima umano ng kidnapping ng 11 pulis-Malabon, nagsalita na

Dominic Almelor, ABS-CBN News

Posted at May 26 2017 12:19 AM

MANILA - Lumutang at nagsalita na nitong Huwebes ang babaeng umano’y kinidnap, pinagnakawan, kinikilan at tinaniman pa ng ebidensiya ng 11 pulis-Malabon.

Tatlong araw umanong ikinulong sa police station ng Malabon kahit hindi iniharap sa prosecutor ang biktima na si “Norma” bago na-rescue ng mga tauhan ng Philippine National Police Counter Intelligence Task Force (CITF) noong gabi ng Mayo 22.

Sinampahan ng mga kasong kidnapping, robbery/extortion, carnapping at planting of evidence ang 11 pulis kung saan 4 sa kanila ang na-inquest na sa Department of Justice habang 7 ang wanted at may tig-P2 milyong patong sa ulo mula kay Pangulong Duterte.

Kuwento ni “Norma,” binisita niya nitong Sabado ang kanyang boyfriend sa medium security compound ng New Bilibid Prison pero habang binabaybay pauwi ang expressway, napansin niya na may nakasunod sa kanyang van na puting Toyota Vios.

Nakita rin umano niya ang sasakyan na dumaan sa tapat ng kanilang bahay noong gabi na umuwi siya.

Pagdating sa presinto, doon na umano tinakot si Norma na kakasuhan siya ng illegal possession of dangerous drugs kung hindi siya magbibigay ng malaking halaga.

“Para pakawalan naman magpadala ka rito ng P5 milyon sabi tapos sabi ko saan naman ako kukuha ng ganyang pera kung may ganyan akong perang kalaki hindi na ako maghanapbuhay mananahimik na ako sa probinsiya,” ani Norma.

Dagdag pa ni Norma, inutusan siya ng mga pulis na tawagan ang boyfriend sa Bilibid para sabihin ang kanilang demand. Hanggang sa ang mga pulis na raw mismo ang kausap ng boyfriend niya sa cellphone.

“Tumawad ng P100k hanggang P300k naging P1 milyon huling usapan dahil po yata meron na siyang mahingian ng tulong,” ani Norma.

Pinilit din daw si Norma na bumili ng 1 kilo ng shabu mula sa isa niyang Chinese contact.

Itinago umano ng mga pulis ang kalahating kilo. Pero ang natirang shabu ay ginamit umanong ebidensya sa kanya.

“’Yung ginamit nilang pang ebidensiya sa 'kin sabi 'yan ayan mabubulok ka na sa ebidensiya na 'yan. Halos lumuhod ako kasi ang usapan pag nakuha na yung isang kilo ng shabu pauuwin na nila ako hindi o nung nakuha, ikinaso pa rin sa akin, iyak ako nang iyak,” ani Norma.

Nadiskubre ng CITF ang tangkang pangingikil kaya ikinasa ang entrapment operation laban sa mga suspek noong gabi ng Mayo 21.

Ayon kay Chief Insp. Jewel Nicanor ng CITF, nakatunog ang mga suspek kaya hindi sila kumagat.

Aminado si Norma na nasangkot siya dati sa illegal drug trade sa Bilibid pero ang papel lang niya ay taga-kolekta at transfer ng pera.

Assistant commander daw kasi ng “Batang Samar Leyte” ang kanyang boyfriend at nasa ilalim ni Jaybee Sebastian.

Pero itinigil na raw niya ito nang umupo si Pangulong Duterte.

Ayon sa pulisya, ito ang maaaring dahilan kung bakit siya tinarget ng mga suspek na pulis para pagkaperahan.

“Merong mga reported incident wherein 'yung mga dalaw na mga preso sa NBP ay dinudukot kapalit ng isang malaking halaga,” ani Nicanor.

Nagbabala naman ang CITF sa 7 pulis na hanggang ngayon ay hindi pa rin sumusuko.

“Sumuko na lang kayo or we will implement the full force of the law,” ani Nicanor.

Ayon sa CITF, isang emisaryo ng isa sa 7 pulis ang nagpahiwatig na susuko na lalo’t delikado na raw ang buhay nito dahil sa P2 milyong patong sa ulo. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.