Baril, bala, droga nakumpiska sa Ilocos Sur

Bryan Realgo, ABS-CBN News

Posted at May 25 2017 05:37 PM

ILOCOS SUR – Tatlong magkakasunod na operasyon ang isinagawa ng pulisya sa bayan ng Magsingal sa lalawigang ito Huwebes.

Sa Barangay Maas-asin, nakuha ang isang rifle grenade, isang M-203 ammunition at apat na bala ng caliber .45 sa bahay ni Joseph Ullero.

Isinagawa ang operasyon matapos makarating sa kaalaman ng pulisya ang pagpapaputok umano ni Ullero ng baril kapag nag-aaway sila ng kanyang asawa.

Hindi naman nahuli sa operasyon si Ullero.

"Agad siyang umalis siguro nang malaman na pupunta tayo dito para sa operasyon, at posibleng dala-dala din nito ang isang caliber .45 na baril nito," ani Senior Inspector Bryan Tacazon, officer-in-charge ng Magsingal Police.

Sa bahay naman ng negosyanteng si Wilkins Udani sa barangay San Ramon, nakuha ang dalawang caliber .45 na baril, isang 25-mm na baril, isang air gun at mga bala.

"Yung isang baril niya expired na. 'Yung iba walang lisensya. Lahat ng mga ito idadaan natin sa ballistic examination lalo’t may kaso siyang attempted homicide sa Paoay," ani Tacazon.

Hindi naman itinanggi ni Udani na sa kanya ang mga baril na sinasabi nitong gamit niya bilang proteksyon.

Si Udani ay kasama sa Top 10 sa drug watch list ng Ilocos Sur.

Haharap sa kasong illegal possession of firearms and ammunition sina Ullero at Udani.

Samantala, 16 na plastic sachet na sinasabing may laman na shabu ang nakuha sa bahay ni Gregorio Rabanal sa Barangay Panay Sur sa nasabi ding bayan.

Sumuko na noong mga nakaraan buwan si Rabanal pero ayon sa monitoring ng pulisya ay bumalik ito sa pagbebenta ng ilegal na droga.

Itinanggi naman ni Rabanal na sa kanya ang mga nakuhang droga.

Haharapin nito ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.