Air strikes sa Marawi, pinakawalan laban sa Maute

ABS-CBN News

Posted at May 25 2017 06:32 PM | Updated as of May 25 2017 09:56 PM

Nagbagsak na ng bomba sa Marawi City kung saan nakikipagbakbakan pa rin ang mga tropa ng gobyerno sa mga miyembro ng Maute Group, mga armadong dumukot ng mga sibilyan at sumunog sa mga gusali sa siyudad nitong Martes. 

Nagsagawa ng tinawag nilang ''surgical air strikes’’ ang mga attack helicopter ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga lugar na sinasabing kinaroroonan ng grupong Maute sa Marawi City, Lanao del Sur, umaga ng Huwebes. Kinumpirma ito ni Lt. Col. Jo-ar Herrera, tagapagsalita ng 1st Infantry Division. 

Mga kasapi ng militar ang kasalukuyang nakikipagsagupaan laban sa grupo ng Maute sa Marawi City ngayon Huwebes. Romeo Ranoco, Reuters

Aniya, inalerto nila ang komunidad bago pa man ito simulan. 

"’Yan naman ay mga surgical airstrikes. We made sure na in-alert namin 'yung community bago namin ginawa iyon para may oras silang umalis," ani Herrera. 

Ito ay sa kabila ng pangako ng AFP na hindi sila gagawa ng air strikes sa Marawi. 

Muli ring nagpalitan ng putok ang grupong Maute at AFP. 

Nang kinukunan ng mga mamamahayag ang nasusunog na gusali sa Basac, isa sa tatlong barangay kung saan nagaganap ang bakbakan, sumirit ang mga bala papunta sa direksyon ng kapitolyo at ng mga mamamahayag na nasa labas nito. 

Sa loob naman ng kampo ng 103rd Infantry Brigade, pinaputukan ng sniper ang isang helicopter na nagsakay ng mga sugatan at bangkay. 

Umaatake ang ilang tangke at helicopter ng militar at sundalo. Patuloy din ang sunog sa mga bahay at ilang pasilidad sa lugar.

Taranta namang tumatakbo palabas ang mga residente mula sa kanilang bahay, at humaharurot ang mga sasakyan paalis sa lugar ng bakbakan. 

Anim ang nadagdag na patay sa muling pagsiklab ng bakbakang ito. 

Nagsimula umano ang bakbakan mga 500 metro mula sa kapitolyo ng Lanao provincial capitol. 

Kasapi ng Maute, namataan sa mga kalsada at tulay

Mayroon ding mga namataang Maute at Abu Sayyaf na naglalakad sa mga kalsada at tulay, kung saan daraan ang militar. 

Sa isang video na kuha kaninang alas-6 ng umaga, makikitang kalmadong naglalakad ang mga nakaitim na miyembro ng Maute na may sinisigaw sa megaphone. 

"Hindi naman talaga sila nasa city proper. Portions, kaya tayo nagko-conduct ng clearing operations. Advice po natin, na mag-stay muna sila sa areas like dito sa capitol dahil meron pa po tayong sightings. Mahilig silang mag-move, so iyon po 'yung tinututukan natin ngayon," ayon kay Herrera.

Sinisiguro rin ng militar na ginagamit nila ang kanilang puwersa at mga assets upang maging kontrolado na ang sitwasyon. 

"Gumagamit po tayo ng combined arms. Ito po yung combination ng armor assets natin, ng infantry, special operations units, and other army capabilities, so 'yun po ang ginagawa natin para at least ma-neutralize natin ang local terrorists," ani Herrera.

Nag-iiba-iba rin sila ng posisyon upang maunahan ang istratehiya ng teroristang grupo.

"Very fluid, very dynamic ang movement po ng local terrorist group. Nagmo-move sila. Ganoon din po tayo. Ang armed forces po natin ay kailangang mag-reposition, para po ma-outstep, ma-out-maneuver natin sila," aniya. 

Kanina ay nabalita na hawak ng grupong Maute ang Lanao del Sur Electric Cooperative (LASURECO) compound sa Barangay Gadungan. Pero pinabulaanan ni Herrera na nakubkob ang pasilidad na ito. 

Pinatakas rin umano ng Maute ang may 100 bilanggo sa dalawang kulungan sa Marawi. 

Bukod sa mga Basac at Gandungan ay may mga enkuwentro pa rin sa Bangan. 

Sa pagtaya ni Herrera ay nasa 30 hanggang 40 tao ang miyembro ng Maute na lumiligid na lamang sa mga barangay. Pero walang makapagsabi kung bakit tila papaingay at papalakas pa ang mga putukan. 

-- Ulat nina Chiara Zambrano at Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.