60 porsiyento ng Marawi, 8 bayan sa Lanao del Sur, wala pa ring kuryente

ABS-CBN News

Posted at May 25 2017 07:42 PM | Updated as of May 25 2017 08:05 PM

Lampas kalahati ng siyudad ng Marawi at walong iba pang bayan sa Lanao de Sur ang wala pa ring kuryente Huwebes ng hapon sa kasagsagan ng sagupaan sa pagitan ng gobyerno at mga terorista mula sa Maute group.

Ayon sa mga kinauukulan, ang mga ng bayan ng Wao, Tugaya, Bacolod Kalami, Madalum, Madamba, Ganassi, Pagayawan, at Pualas ay nakakaranas pa rin ng kawalan ng kuryente dahil sa nasirang pasilidad ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa loob ng Mindanao State University. 

"As soon as matapos ang gulo ay saka aayusin kasi mapanganib pa (para sa mga technician) sa ngayon," ani Cynthia Alabanza, tagapagsalita ng NGCP.

Kinumpirma ng National Power Corporation na may sumabog na M-79 grenade malapit sa Agus 1 hydropower plant sa Marawi, pero hindi naman ito naka-apekto sa operasyon ng planta.

Nanawagan ang mga opisyal ng Lanao del Sur Electric Cooperative (LASURECO) sa gobyerno na magtalaga ng mga pulis o sundalo sa kanilang substation sa Marawi City upang hindi ito mapasok ng mga miyembro ng Maute group.

"Palagyan po sana ng sundalo kasi 'pag na-target 'yun, total blackout ang buong Lanao del Sur," sabi ni Dr. Nordjiana Lucman-Dipatuan Ducol, general manager ng LASURECO.

Dagdag ni Ducol, unang tinangka ng Maute group na pasukin ang LASURECO Huwebes ng umaga, ngunit umalis din matapos mabigong makubkob ang pasilidad.

Unang sumiklab ang gulo sa Marawi Martes ng gabi ng makipagpalitan ng putok ang mga terorista at mga pulis at sundalo na tumutugis kay Isnilon Hapilon, ang hinihinalang tinalagang lider ng Islamic State sa Pilipinas.

- ilang ulat mula kay Alvin Elchico, ABS-CBN News.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.