PatrolPH

Ilang PUV drivers, transport workers nakatanggap ng libreng vision screening sa PITX

ABS-CBN News

Posted at May 24 2023 10:56 PM

Handout
Public utility vehicle drivers got free complete vision screenings at the Parañaque Integrated Terminal Exchange or PITX on Tuesday, May 23. Handout

MAYNILA — Nakatanggap ng libreng vision screening ang ilang public utility vehicle (PUV) drivers sa isang seminar sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) nitong Martes, ika-23 ng Mayo.

Ito'y matapos isagawa ng pamunuan ng PITX ang "Barkada ni Pete: Healthy Vision and Road Safety" seminar bilang pagbibigay pansin sa kaligtasan sa kalsada.

Bahagi rin umano ito sa obserbasyon ng Global Road Safety Week.

Umabot sa 52 PUV drivers at transport workers ang nabigyan ng libreng vision screening sa seminar.

Kabilang sa transport workers na naserbisyuhan ay mga konduktor, teller sa mga terminal, at mga dispatcher.

"Our eyesight is one of our investments sa sarili natin. Especially drivers, imaginin mo, 'pag malabo na ang mata mo, paano ka makakamaneho," ani Jason Salvador, head of corporate affairs and government relations ng PITX.

Mga doktor na nag-volunteer mula sa Philippine Academy of Opthalmology ang nagsagawa ng complete vision screening ng mga drayber at transport workers.

Ang aksidente sa kalsada ang isa sa mga nangungunang sanhi ng pagkamatay o pagkakaroon ng disability sa buong mundo, ayon sa datos ng United Nations.

Para naman sa isang eksperto, kinakailangang mapa-check up ang ating mga mata kahit isang beses kada dalawang taon.

"[M]any of our drivers are in their 50s. 'Yung mga time na 'yan ang nagsisimula na magkaroon ng cataract," ani Dr. Maria Victoria Rondaris, opthalmologist at country manager ng The Fred Hollows Foundation.

Dagdag pa ni Rondaris, isang "highly visual task" ang pagmamaneho at ang mga malabong mata ay maaaring magpabagal sa reaction time ng mga drayber na maaaring maging sanhi ng aksidente.

"Kapag umuulan, parang mas mahirap mag-drive. Nakakaramdam na rin ako ng [hilo], nagpapa-BP naman ako pero normal," ani Darwin Fernando, isang jeepney driver. Ito ang kaniyang unang beses na sumailalim sa complete vision test.

Ayon pa kay Rondaris, may responsibilidad ang mga employer na siguraduhing maayos at nabibigyang pansin ang kalusugan ng mga mata ng kanilang mga empleyado.

Ang naturang seminar ay isinagawa ng pamunuan ng PITX, Land Transportation Office, at international eye health organization na The Fred Hollows Foundation.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.