PatrolPH

Nagpanggap na undersecretary ng Malacañang huli sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at May 24 2023 07:08 PM | Updated as of May 24 2023 08:08 PM

Inaresto ngayong Miyerkoles ng mga awtoridad ang isang nagpanggap na opisyal ng Malacañang na sinubukan umanong manghimasok sa procurement ng Philippine Coast Guard (PGC).

Nahuli ang lalaking suspek sa entrapment operation sa tanggapan ng PGC sa Maynila, kung saan kinausap niya ang isang opisyal ng Coast Guard para alukin umano ng mga military equipment.

Ayon sa pulisya, nagpanggap ang 40 anyos na suspek bilang empleyado ng Office of the President.

Pero sa pagberipika ng mga awtoridad sa Office of the Deputy Executive Secretary for Finance and Administration ng Malacañang, itinanggi ng opisina na appointed sa Office of the President ang suspek at mga kasabwat niya.

Ayon kay Maj. Gen. Edgar Alan Okubo, direktor ng National Capital Region Police Office (NCRPO), modus ng grupo ng suspek na magpakilalang taga-gobyerno na kayang mapabilis ang transaksiyon ng mga kompanyang kunyari'y kinakatawan nila.

"Nagpapanggap na mga [undersecretary] and they’re working under Malacañang and to entice government agencies to procure vehicles, unmanned vehicles or other products from the company they are representing," ani Okubo.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang suspek.

Ayon sa NCRPO, kung hindi naagapan, posibleng mauwi sa pirmahan ang transaksiyon at makatangay ng milyon-milyong piso mula sa kaban ng bayan ang grupo.

Kasong usurpation of authority ang isasampa sa suspek.

— Ulat ni Jeff Caparas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.