Isa ang patay sa sunog na sumiklab sa ilalim ng Camachile Bridge sa Quezon City nitong madaling araw ng Miyerkoles, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Ayon sa BFP, isang matandang may kapansanan ang binawian ng buhay sa sunog na tumama sa magkatabing barangay na Unang Sigaw at Balong Bato pasado alas-4 ng madaling araw.
Umabot pa sa ika-4 na alarma ang sunog dahil mabilis kumalat ang apoy sa mga bahay na gawa sa light materials.
Nahirapan din umano ang mga bomberong apulahin ang apoy dahil dikit-dikit ang mga bahay.
Sa ngayon, hindi pa matukoy ng BFP kung ilang bahay ang natupok. Inaalam pa rin ang pinagmulan ng apoy.
Mananatili muna sa mga covered court at Balong Bato Elementary School ang mga nasunugan.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.