PatrolPH

DOJ: Ebidensya laban sa mga suspek sa Degamo slay case, sapat

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at May 24 2023 05:16 PM

Negros Oriental Governor Roel Degamo. Photo from Governor Roel Ragay Degamo Facebook page
Negros Oriental Governor Roel Degamo. Photo from Governor Roel Ragay Degamo Facebook page


MANILA — Binawi man ng ilan sa mga suspek sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo ang kanilang salaysay, naniniwala ang Department of Justice na sapat ang hawak nilang ebidensya.

Ayon kay Senior Deputy State Prosecutor Richard Anthony Fadullon, hindi lang nakabase sa mga testimonya ang isinasagawa nilang imbestigasyon.

"Dapat natin intindihan na sa isang kaso, mayroon tayong tinatawag na testimonial evidence. Iyan ay ang mga salaysay ng mga saksi o nakasaksi o nakakita ng krimen, may kinalaman sa krimen... Aside from that, mayroon tayong tinatawag na object o real evidence, documentary evidence, and you also have forensic evidence which can still be used and will be enough to sustain the case," aniya.

Ito ay matapos maghain ng affidavit of recantation ang isa sa mga suspek na si Jhudiel o Osmundo Rivero sa Department of Justice. 

Naghain na rin umano ng kaparehong affidavit ang tatlo pang suspek na sina Rogelio Antipolo, Rommel Pattaguan, at Daniel Lora, ayon sa kanilang abogado na si Atty. Danny Villanueva.

"Sa ngayon ang mayroon lang kami ay yung retraction o affidavit of retraction ni Osmundo Rivero. Yung napapabalita na mayroon pang tatlo, inaasahan namin iyan considering sila ay nire-represent ng isang law office lamang," ayon kay Fadullon.

"Pero ganun pa man 'yung tatlong statements na iyon, pinagbabatayan namin ay reports, wala pa kaming natatanggal na kahit na anong dokumento patungkol dito... Kailangan pa rin itong mapatunayan, dahil hindi nangangahulugan na dahil ito ay ang huling statement na binigay niya, ito ang katotohanan." dagdag niya.

Ipinaliwanag din ni Fadullon na hindi basta hihina ang kaso ng prosekusyon dahil sa pagbaliktad ng ilan sa mga suspek.

"Hindi nangangahulugan na dahil sa may isang testigo na binawi ang kanyang salaysay ay agad agad hihina ang isang kaso, lalong lalo na kung mayroong ibang ebidensya, tulad ng nabanggit ko mayroon tayong tinatawag na real o object evidence, mayroon tayong tinatawag na documentary and forensic evidence, maaring itong mga ebidensyang ito ay maaaring gamitin doon sa sinasabing pag-atras o paguurong ng kanyng mga naunang salaysay na ibinigay," aniya.

Hindi ibinahagi ni Fadullon ang iba pang mga hawak na ebidensya, ngunit itinuturing umanong documentary evidence ang kuha ng CCTV sa pagpatay sa gobernador at 9 na iba pa.

"Patunay ito na may nangyaring krimen na ganito, hindi natin puwede sabihin na ito ay kathang isip lamang o gawa gawa lamang ng gobyerno ang pagkamatay ni Gov. Degamo. Isang patunay diyan namatay si Gov. Degamo at siyam pang iba at mayroon pang labing walo na nasaktan ng lubha dahil sa pangyayaring ito," ani Fadullon.

"Ang CCTV ay nagpapatunay lamang na may pangyayaring ganito at iyon ang dahiln kung bakit tayo nagiimbestiga dahil hindi natin puwede pahintulutan yung ganoong klaseng pangyayari na makalusot lamang na wala tayong magagawa."

Dahil sa mga hawak na ebidesya, nakatitiyak umano si Fadullon na maisasampa at maipapanalo ang kaso sa korte.

"I would say it would be enough to see this case through... Seeing this case through means seeing this case filed in court and prosecuting it. Because in the first lace hindi naman tayo magsasampa ng kaso just for the sake of satisfying everybody's curiosity, or everybody's inquiries. We will file the case on the basis of evidence, and we will not file it if we do not think that we have sufficient evidence," giit nito.

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.