MAYNILA - Nakatakdang suspendihin ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang kanilang transportation and accommodation assistance sa mga pabalik na overseas Filipino workers simula Hunyo 1.
Sa isang pahayag na pinirmahan ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na naka-post sa social media, sinabi ng OWWA na ito ay may kaugnayan na rin sa Alert Level 1 status ng National Capital Region at iba pang mga lugar sa bansa.
Sa ilalim ng Alert Level 1, nasa full operating capacity ang transportasyon at mas bukas na rin ang mga negosyo.
Matatandaang noong unang pumutok ang pandemya, nagbigay ang OWWA ng libreng pagkain, accomodation at transportation sa mga OFW na bumalik ng bansa.
Hindi sakop ng suspensiyong ito ang mga OFW na kino-konsiderang distressed, o na-abuso ng POLO ng mismong OWWA.
Gayundin ang mga pauwing OFW sa ilalim ng isinasagawang mass repatriation program ng pamahalaan.
Ang mga partially vaccinated o di pa bakunadong OFW na kailangan pa ring sumailalim sa quarantine ay bibigyan pa rin ng accommodation assistance ng DOLE- OWWA. Pero sila na ang bahala sa kanilang pamasahe pauwi ng kani-kanilang mga probinsya.
Dagdag pa ni Cacdac, sususpendihin na rin ang mga chartered bus ng OWWA sa may Parañaque integrated Terminal Exchange sa Hunyo 1.
Pero sinisigurado ng OWWA na bibigyan pa rin nila ng assistance ang mga pauwing OFW na nangangailangan ng tulong.
Kailangan lamang umanong tumawag sa OWWA Hotline 1348, o mag- email sa rad@owwa.gov.ph
MULA SA ARCHIVE
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.