Sakahan sa Ilocos region noong Pebrero 16, 2022. Jonathan Cellona, ABS-CBN News
MAYNILA — Kinukulang ang suplay ng fertilizer o pataba sa bansa dahil sa taas ng presyo at demand nito, sabi ngayong Martes ng Department of Agriculture (DA).
Ayon kay Myer Mula, deputy director ng Fertilizer and Pesticide Authority sa ilalim ng DA, nakaasa ang bansa sa pag-angkat ng pataba kaya lubhang naapektuhan ang supply at presyo nito dahil sa COVID-19 pandemic at paglusob ng Russia sa Ukraine.
"Nagkaroon tayo ng price increase due to logistics. Labor, hahabulin nila 'yan kaya everything will increase," ani Mula.
Sumipa rin aniya ang demand ng fertilizer sa China, Amerika, India, Australia, at Brazil kompara sa kanilang pre-pandemic requirement.
Sa China na isa sa mga bansang nag-eexport ng fertilizer, naghigpit ang inspeksyon at quarantine kaya nabawasan din ang dami ng fertilizer export.
At dahil by-product ng oil industry ang fertilizer, lubhang naapektuhan ang presyo nito sa pagsirit ng presyo ng langis, kaya ayon sa DA, hindi basta-bastang bababa ang presyo ng pataba.
Mula Oktubre 2021, nasa P600 kada 50 kilo ang patong sa presyo ng prilled at granular urea, 2 klase ng nitrogen fertilizer.
Pinaghahandaan ngayon ng Department of Agriculture ang parating na cropping season na mangangailangan ng 200,000 hanggang 300,000 metriko toneladang pataba, partikular ang urea na ginagamit sa palay, mais, at high-value crops tulad ng saging at pinya.
Ayon kay Mula, nakikipag-ugnayan na sila sa Russia para mapunan ang demand ng fertilizer sa bansa.
May mga negosasyon na rin sa pagitan ng Indonesia, Malaysia at China.
“Pag-uusapan ang volume at presyo. Indonesia, Malaysia, China, but still limited pa lang ‘yan. They cannot assure us with the volume,” ani Mula.
Itinataguyod ng DA ang Balanced Fertilization Strategy (BFS), na gumagamit ng kombinasyon ng organic at non-organic fertilizer na makakatipid sa paggamit ng chemical fertilizer nang hindi nababawasan ang ani.
Ayon kay Mula, matagal nang nakalatag ang ideya ng paggamit ng BFS pero ngayon lang nabibigyang-pansin ng mga magsasaka at ng mga ahensya dahil sa pagtaas ng presyo ng traditional fertilizer.
KAUGNAY NA ULAT:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.