PatrolPH

3 sako ng palay ninakaw sa magsasaka sa Camarines Sur; makina sinunog

ABS-CBN News

Posted at May 24 2022 01:25 PM

 Sunog na makina na gamit sa pagsasaka ang nadatnan ng isang magsasaka sa Camarines Sur sa kanilang sakahan nitong Mayo 23, 2022. Larawan mula kay Venus Caceres
Sunog na makina na gamit sa pagsasaka ang nadatnan ng isang magsasaka sa Camarines Sur sa kanilang sakahan nitong Mayo 23, 2022. Larawan mula kay Venus Caceres

Napaluha at labis ang sama ng loob ng isang magsasaka sa Bula, camarines Sur nang datnan ang kanilang sakahan nitong Lunes ng umaga.

Bukod sa ninakaw ang dapat sanang aanihing palay na tinatayang aabot ng tatlong sako, sinunog pa ang makina na gamit sa pagsasaka ni Gerbacio Caceres, 52, na taga-Barangay Fabrica.

Isang taon pa lang umano sa kanila ang makina. Ani Caceres, umutang pa sila para mabili iyon.

"Yung makina, iniwan lang namin dun sa sakahan nung isang araw kasi hindi pa kami tapos pag-thresher. Tapos kinaumagahan, 'yun na 'yung nakita ko. Napaiyak na lang ako sa nakita ko," kuwento niya.

Wala umano siyang ideya kung sino ang nasa likod ng insidente. 

"Pinapasa-Diyos ko na lang po ang nangyari. Hindi ko po alam kung sino ang pwede gumawa nito sa akin. Wala naman po ako ditong kaaway o nakaalitan sa lugar namin," ani Caceres.

Masama rin ang loob ng mga anak ni Caceres sa pangyayari dahil saksi umano sila sa pagtitiyaga at sakripisyo ng kanilang ama para sa pamilya.

Tatlo sa limang anak ni Caceres ang nag-aaral pa sa kolehiyo.

— ulat ni Karren Canon

KAUGNAY NA VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.