PatrolPH

Lalaki patay nang masipa ng baka, mabangga ng trak sa La Union

ABS-CBN News

Posted at May 24 2022 03:35 PM | Updated as of May 25 2022 09:57 AM

 Base sa imbestigasyon ng PNP La Union, nang masipa ng baka ang drayber at tumilapon ito sa kalsada ay nasagasaan naman ito ng dumaraang trak. Courtesy: PNP La Union
Base sa imbestigasyon ng PNP La Union, nang masipa ng baka ang drayber at tumilapon ito sa kalsada ay nasagasaan naman ito ng dumaraang trak. Courtesy: PNP La Union


BAUANG, LA UNION - Patay ang isang 51-anyos na drayber ng motorsiklo matapos masipa ng baka at mabangga ng truck habang binabaybay nito ang national highway sa bayang ito noong Linggo ng hapon.

Base sa imbestigasyon ng La Union police, hinihila ng 2 lalaki ang isang baka sa gilid ng kalsada sa Barangay Baccuit Sur nang bigla nitong sipain ang motorsiklong dumaraan sa outer lane. 

Tumilapon ang drayber sa inner lane ng kalsada kung saan naman nasagasaan ito ng dumaraang tak. 

Ayon sa pulisya, nasipa ng baka ang tagiliran ng biktima na tumanggi pa noong una na magpadala sa ospital.

Pero nang nasa ospital ang biktima, nahirapan itong huminga at binawian ng buhay kinagabihan.

Lumalabas na nagkaroon siya ng pagdurugo sa atay na kaniyang ikinamatay.

Mayroon na umanong inisyal na pag-uusap ang mga sangkot sa insidente.

— Ulat ni Dianne Dy

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.