MAYNILA - Hindi pinayagang ipasok sa Pilipinas ang 5 kilo ng imported na karneng baka na dinala ng isang South Korean sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nitong Martes.
Ayon kay Jenelyn Sotto, livestock inspector ng Veterinary Quarantine Services-NAIA (VQS-NAIA) ng Bureau of Animal Industry (BAI), wala kasing naipakitang permit ang Koreano para magdala ng hilaw na karne sa bansa.
Sabi ni Sotto, nadiskubre ng Customs ang karne sa styrofoam box na bitbit ng lalaki pagkalapag ng kanyang Korean Air flight bago mag-tanghali.
Naglalaman ang kahon ng 13 tray ng hiniwang karne na binalot ng plastic wrap.
Itinawag ang atensyon ng BAI matapos makitang karne ang laman.
Batay sa administrative order 9 ng Department of Agriculture, kailangang makakuha ng permit para makapagdala ng anumang agricultural products sa bansa.
Hindi na dinetine ang Koreano, pero dahil sa hindi makaintindi ng Ingles, hindi na niya naipaliwanag kung bakit may dalang bulto ng karne.
Inilagak muna ang karne sa freezer storage ng BAI sa NAIA 2 nang isang linggo.
Ayon sa VQS-NAIA, karaniwang binibigyan ng konsiderasyon ang mag-aapela sa kanila para sa mga kinumpiskang item, kalimitan ng mga overseas Filipino na may maipakitang dokumento.
Kung walang mag-apela o hindi mapagbigyan, dadalhin ang mga karne sa central office ng BAI sa Quezon City para sa disposal—na kadalasan ay pagsusunog.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.