PatrolPH

Lalaki patay nang mang-hostage sa Zamboanga Sibugay

ABS-CBN News

Posted at May 24 2022 03:25 PM

Patay ang isang lalaki matapos mang-hostage sa Ipil, Zamboanga Sibugay, sabi ngayong Martes ng pulisya.

Nadatnan umano ng mga awtoridad ang 42 anyos na suspek sa labas ng isang insurance company sa Barangay Poblacion, kung saan hawak at tinututukan niya ng baril ang isang babae.

Sinubukan pa umanong makipagnegosasyon ng mga pulis sa suspek na pumayag namang magpatulong sa problema. 

Pero nakita umanong akmang kakalabitin nito ang gatilyo ng baril kaya napilitan ang mga pulis na barilin siya. Kumaripas naman ng takbo ang babaeng hostage.

Ayon sa ulat ng Zamboanga Peninsula police, bago ang pangho-hostage, pumasok sa isang opisina ang suspek at pinukpok sa ulo ang isang 75 anyos na tao, saka sumakay ng tricycle.

Bigla umanong tumalon ang suspek sa tricycle at pumasok sa opisina, dala ang baril. Nagtakbuhan umano ang mga tao at nahablot ng lalaki ang babaeng na-hostage.

Ayon sa ilang testigo, tila tuliro ang suspek at nagsasabing may nagtatangka sa buhay nito.

— Ulat ni Jewel Reyes

FROM THE ARCHIVES

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.