PatrolPH

Cancer patient na survivor din ng Mercraft ferry fire binalikan ang trahedya

ABS-CBN News

Posted at May 24 2022 07:47 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA - Kasama ang isang cancer patient sa 127 na nakaligtas nang masunog ang isang ferry sa baybayin ng Real, Quezon. 

Ayon sa 27 anyos na residente ng Polilio Island na si Jessa Malate, 15 taon na siyang may stage 4 ovarian cancer at luluwas sana para magpa-therapy. Kuwento niya, napilitan siyang tumalon sa dagat kahit walang life jacket. 

Ilang beses na umano siyang lumubog dahil ang nasa isip niya ay matagal na siyang nakikipaglaban sa cancer para mabuhay kaya hindi siya papayag na mamatay nang dahil lamang sa pagkalunod. 

"Pagod na pagod na po ako, hindi na po ako makahinga sabi ko 'Lord alam kong hindi pa, hindi ako dito mamamatay dahil lumalaban ako sa cancer' at alam kong may misyon pa si Lord na ipapagawa sa akin," ani Malate. 

"Sabi ko 'Lord kayo na po ang bahala tapos may nag-save na po sa akin na nakilala niya po ako. Pero hirap na hirap na po ako huminga, di na po ako makahawak," ani Malate. 

Ang masaklap lang ay kasamang naglaho sa dagat ang P100,000 na inipon sa online selling at bigay ng mga kaibigan para sa pagpapagamot niya. 

"Gustong gusto ko na po gumaling sa cancer tapos nawala lang po dahil lumubog 'yung barko. Matagal ko po 'yung pinag-ipunan hiningi ko rin po 'yun ng tulong sa mga kaibigan ko sa pamilya ko," maiyak-iyak na pahayag ni Malate. 

Lagi ngayong tulala si Malate na pangarap sanang maging guro. Bumalik na siya sa Polilio at hindi na nakapaggamot pa. 

Kasabay ng pagtiyak ng tulong, humingi ng tawad at nakiramay ang pamilya ng may-ari ng Mercraft shipping sa mga biktima. 

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), hawak na nila ang kapitan ng MV Mercraft 2 na si John Lerry Ecareses at nakuhanan na ng pahayag ang naturang kapitan maging ang ilang tripulante at pasahero. 

"Base doon sa deklarasyon ng mga nakausap nating pasahero ay mayroon silang narinig na pagsabog sa engine room pero tinitingnan din natin kasi na buhay din naman ang crew na nasa ilalim ng engine room kaya hindi rin maaaring sa engine so lahat po ay titingnan natin," ani PCG spokesperson Armand Balilo. 

Para sa lokal na pamahalaan ng Polilio, dapat hindi na payagang makabiyahe pa sa kanilang isla ang mga barko ng Mercraft shipping. 

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.