PatrolPH

2 taga-Visayas magdiriwang ng ika-104 at 102 kaarawan

ABS-CBN News

Posted at May 24 2022 12:54 PM

Higit 100 taon na ang lolo at lolang ito, at pagkain ng gulay ang itinuturong nakatulong sa paghaba ng kanilang buhay. Mga larawang kuha ni Angelo Angolo
Higit 100 taon na ang lolo at lolang ito, at pagkain ng gulay ang itinuturong nakatulong sa paghaba ng kanilang buhay. Mga larawang kuha ni Angelo Angolo

Mahigit dalawang linggo na lang at 104 anyos na si Juan Esmeralda ng Talisay City, Negros Occidental. 

Kailanman ay hindi umano siya naospital at walang maintenance na gamot.

Taong 2018 ay nagdiwang siya ng kaniyang ika-100 kaarawan at nakatanggap ng P100,000 mula sa gobyerno.

Si Lolo Juan ay ipinanganak noong Hunyo 12, 1918.

Isip bata na umano ang matanda kung minsan dahil sa Alzheimer’s Disease. Hindi na rin nakakakita ang isa niyang mata.

Pero masayahin naman daw ito sa piling ng kaniyang mga anak at apo kahit hindi niya na sila gaanong kilala dahil sa sakit.

“Pero kon i-ano mo siya nga ngalan sang bata niya, anhun mo gid siya nga bata niya, madumduman niya na,” ani ng kaniyang apong si Jennifer Vicera. 

(Pero kung sabihin mo sa kaniya ang pangalan ng anak niya at igiit na anak niya, naaalala niya naman.)

Sa Bacolod City naman, magdiriwang ng kaniyang ika-102 kaarawan sa Agosto si Ramonieta Rico o Lola Monet. 

Siya ay ipinanganak noong Agosto 8, 1920 sa Sagay City, Negros Occidental.

Matalas pa raw ang memorya ni Lola Monet at mahilig pang magsulsi ng mga damit. Kung nasa mood umano siya ay kumakanta pa.

“Gugmang wala’y patugsiling nga labing dalitan, ining makaluluoy nga nabilanggo sa gugma, sa lawod sang kagha nga imo ginpatumbayaan, buligi tabangi ang makalaluluoy nga indi malugdang,” ang may pagmamalaking kinanta ng matanda. 

(Pag-ibig na walang isinasaalang-alang at makamandag, nakakahabag ang nabibilanggo sa pagmamahal, sa laot ng pagdadalamhati, sagipin ang nakakaawa upang hindi malunod.)

Araw-araw umano siyang pumapasyal sa tabing-ilog. At ayaw daw niyang inaalalayan siya kapag naglalakad. 

Ang pinakapaborito niyang kainin ngayon ay baboy lalo na umano iyong taba.

“Bisan ano nga luto basta baboy. Basta humok lang,” sabi ni Lola Monet. 

(Kahit anong luto basta baboy. Basta malambot.)

Ayon sa kanilang pamilya, ang sekreto sa mahabang buhay ng dalawa ay ang palaging pagkain ng mga gulay na siya na ring itinuturo nila sa mga anak at apo.

— ulat ni Angelo Angolo

KAUGNAY NA ULAT
[ EMBED AS IVS ] 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.