PatrolPH

P14.3-M shabu sa tea bags, ecstasy nasabat sa Tandang Sora

ABS-CBN News

Posted at May 24 2021 11:30 AM

MAYNILA - Narekober ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency ang nasa P14.3-milyong halaga ng hinihinalang shabu at ecstasy sa isang compound sa Tandang Sora, Quezon City nitong Linggo.

Nahuli rin ng PDEA Regional Office-National Capital Region special enforcement team ang 10 katao sa inuupahang bahay.

Nasa Chinese tea bags ang mga hinihinalang shabu na pareho sa packaging ng nakuhang droga sa naunang operasyon sa Mandaluyong City.

Ayon sa team leader ng operasyon, dito nanggagaling ang supply ng shabu ng mga menor de edad sa naunang operasyon.

Ayon sa barangay, ito ang unang pagkakataon na ganito kalaking halaga ng droga ang narekober sa kanilang lugar.

Napapansin na rin ng mga residente na maingay sa inuupahang bahay tuwing gabi.

Depensa ng 35 anyos na ginang na nangungupahan doon, madalas silang mag-inuman pero itinanggi niyang kanila ang mga nakuhang droga.

Ayon pa sa kaniya, cosmetic tattoo artist siya pero tumigil muna dahil sa pandemya.

Ilan pa sa mga naaresto ay mga residente sa Sampaloc, Maynila, Quezon City at Makati. 

Aminado naman ang isa sa kanila na namamasukan siya sa isang alyas Troy mula Quiapo para mag-abot ng bag pero hindi niya umano alam na droga ang laman nito.

Tatlong linggo na niya itong ginagawa at sinasahuran ng P5,000 ni alyas Troy.

Pare-parehong kakasuhan ang sampung inaresto ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Balak naman ng barangay na makipag-ugnayan sa homeowners para masigurong hindi na maulit ang insidente sa kanilang lugar.

KAUGNAY NA BALITA

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.