PatrolPH

Supply ng bakuna sa ilang lungsod sa Metro Manila paubos na

ABS-CBN News

Posted at May 24 2021 01:58 PM | Updated as of May 25 2021 08:16 PM

Supply ng bakuna sa ilang lungsod sa Metro Manila paubos na 1
Binakunahan ang isang residente ng Barangay Ususan, Taguig City noong Mayo 21, 2021. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

(UPDATE) Paubos na ang supply ng mga bakuna kontra COVID-19 na nakalaan para sa first dose sa ilang lungsod sa Metro Manila.

Sa Marikina, wala nang supply ng AstraZeneca vaccines para sa first dose at paubos na ngayong Lunes ang Pfizer vaccines.

Inaasahan namang 3 araw lang ang aabutin para mai-rollout ang lahat ng natitirang bakuna ng Sinovac na nakalaan para sa first dose.

Dahil dito, umaapela ang city government sa national government para sa dagdag na bakuna.

"Nakikita natin 'yong pagtaas ng vaccine confidence ng mga tao lalo na kung maraming pinagpipiliang uri ng bakuna," sabi ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro.

"Nakikita nila tuloy-tuloy tayo sa pagbabakuna at nakikita nila na maraming iba't ibang tao na nagpapabakuna ngayon," dagdag niya.

Pero tuloy pa rin ang pagbabakuna ng second dose sa Marikina.

Sa Maynila, inihinto ulit ang pagbabakuna ng first dose sa COVID-19 vaccination centers matapos maubos ang supply noong Sabado.

Hindi pa rin dumadating ang dagdag na bakuna mula sa national government.

Inanunsiyo naman ni Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso na bibili pa ng dagdag na bakuna ang lungsod dahil sa limitadong supply. 

Nasa 400,000 doses ng bakuna na nagkakahalagang P238 milyon ang inaasahang darating sa Hunyo. Hindi nabanggit ng alkalde kung anong brand ang mga bagong bakuna.

Bukod pa ito sa 8000,000 doses ng AstraZeneca vaccine na unang binili ng Maynila at inaasahang darating sa Setyembre.

Humingi naman ng permiso ang Quezon City sa National Task Force (NTF) Against COVID-19 para ipagamit muna bilang first dose ang kalahati ng Sinovac supply ng lungsod na nakalaan para sa second dose. 

Watch more on iWantTFC

Ubos na rin ang supply ng Pfizer at AstraZeneca sa Quezon City, at manipis na lang ang supply ng first dose ng Sinovac.

"Since alam naman natin na may parating na Sinovac. Kasi nga gusto ko tuloy-tuloy at kulang na kulang na 'yong bakuna. Pinayagan naman tayo," sabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte.

Ayon sa Department of Health, sa oras na dumating na ang certificate of analysis para sa kalahating milyong dose ng Sinovac na nai-deliver sa Pilipinas noong Huwebes, puwede na itong gamitin agad.

"'Yong certificate of analysis ng 500,000 Sinovac would be coming tomorrow or the next day, para masigurado na puwede na itong magamit," ani Health Undersecretary Leopoldo Vega.

Nauna nang sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez na may higit 2 milyong dose ng Pfizer vaccines mula COVAX Facility at 1.3 milyon dose ng Sputnik V ang inaasahang darating sa bansa ngayong Mayo pero wala pa itong petsa.

Higit 10 milyong dose naman ang inaasahang dadating sa susunod na buwan.

Base sa datos ng NTF Against COVID-19, umabot na sa higit 5 milyong dose ng bakuna ang naiturok sa mga Pilipino sa loob ng 12 linggo.

Wala pa sa isang milyon ng target na 70 milyong Pilipino ang nakakumpleto ng 2 dose habang 3.1 milyon naman ang nakatanggap ng first dose.

Bumilis naman ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa Pilipinas, na pumalo sa higit 162,000 kada araw, ayon sa NTF.

Nagpahayag ng kumpiyansa si Galvez na kayang madoble ang bilis ng pagbabakuna sa Hunyo basta sapat ang supply.

Hinimok naman ng World Health Organization ang mga Pilipino na mahigpit na sumunod sa protocols ng gobyerno para matiyak na pantay ang access sa mga bakuna.

Ayon kay ABS-CBN Data Analytics head Edson Guido, sa kasalukuyang bilis ng pagbabakuna, aabutin ang Pilipinas ng higit 2 taon o hanggang Setyembre 2023 bago mabakunahan ang target na 70 milyon para maabot ang herd immunity.

Pero ayon kay Galvez, plano ng gobyernong iakyat ang bilis ng pagbabakuna sa 500,000 kada araw kapag may steady supply na ng bakuna. Ito'y para maabot ang herd immunity ngayong taon.

— Ulat nina Vivienne Gulla, Adrian Ayalin, at Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.