PatrolPH

Food packs hatid sa 100 pamilya sa Meycauayan, Bulacan

ABS-CBN News

Posted at May 24 2021 08:11 PM

Watch more News on iWantTFC

Maagang kumukuha ng gulay at prutas si Angellyn Adolfo sa isang tindahan sa Barangay Mahalcan sa Meycauayan, Bulacan.

Kasama ang anak niyang lalaki na taga-padyak, buong umaga silang naglalako ng paninda sa buong barangay at mga kalapit na lugar.

"Um-extra ako dito sa kapitbahay namin na maglako ng gulay... Mahirap kasi 5 ang anak ko na kailangan buhayin. 'Yong asawa ko, nahinto rin siya, driver ng bus," ani Adolfo.

Pagdating ng tanghali, sabay-sabay darating sina Adolfo at iba pang tagalako sa tindahan ni Erlinda Tuto para ibigay ang benta at mga sobrang paninda.

Nagsimula ang maliit na negosyo ni Tuto noong nakaraang taon nang mawalan ng trabaho ang pamangkin at humingi ng tulong sa kaniya.

Nasa 7 residente ngayon ang naglalako para kay Tuto.

Dahil tanghali pa lang ay tapos na ang pagtitinda, suma-sideline ang iba sa kanila, gaya ni Nikko Manalo na nagtatrabaho rin bilang repairman. Sa ganoong paraan, mas marami siyang maiuuwing pagkain sa 2 maliliit niyang anak.

"Talagang walang mapasukan... kaya ginawa ko, naghanap ako ng sideline," ani Manalo.

Malaking bagay para sa mga naglalako ang ibinigay na hanapbuhay ni Tuto dahil ito ang nagsalba sa kanila sa gutom ngayong pandemya.

Bilang dagdag na tulong, nagdala ang ABS-CBN ng food packs na may lamang bigas at de-lata para sa higit 100 pamilyang nakatira sa Sitio Daungan sa Barangay Malhacan.

"Tuwang-tuwa kami kasi nadadagdagan 'yong pagkain namin," ani Adolfo.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.